ONLINE SEXUAL EXPLOITATION SA KABATAAN NAKAAALARMA

Balanga Bishop Ruperto Santos

NAALARMA  ang Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking (Pimaht), isang grupo ng Christian churches, hinggil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng online ­sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa.

Sa isang pahayag ng Pimaht na binasa ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa isang pulong balitaan sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sinabi nito na ang human trafficking ay itinuturing na isang contemporary form ng pang-aalipin o slavery.

“As Pimaht recognizes various forms of human trafficking, we raise our concern to the alarming rising cases of sexually exploited children online in the country–a phenomenon called OSEC,” ayon pa sa pahayag ng grupo, na binubuo ng CBCP, Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), at National Council of Churches in the Philippines (NCCP).

Batay sa datos ng Pimaht, nabatid na simula noong 2013 ay umaabot na sa kabuuang 109 rescue operations ang naisagawa, na nagresulta sa pagkasagip ng may 389 biktima ng OSEC.

Sa naturang mga operasyon din, 165 suspek ang naaresto  at 42 sa kanila ang convicted na.

Ayon naman kay Marie Villalon ng NCCP, lumilitaw na laganap ang OSEC sa mga area ng Dasmariñas City, Cavite; Angeles City, Pampanga; Iligan City, Lanao Del Norte; at Taguig City sa Metro Manila.

Sinabi ni Santos na karamihan umano sa  OSEC cases ay nag-ugat sa kahirapan, kawalan ng trabaho at mismong ang kanilang mga magulang o kaanak pa ang sangkot.

Kaugnay nito, plano  ng Pimaht na palawakin pa ang pagtalakay sa problema sa isang Freedom Forum hinggil sa OSEC bukas, Nobyembre 8, sa Victory Christian Fellowship sa Mandaluyong City.

“We vow to eliminate this phenomenon as it takes away their childhood and dignity… These, therefore, will be a part of our advocacy– a life that is abundant for all children, families, and for all people,” dagdag pa ni Santos.

Nanindigan din si Santos na bilang mga susunod na mamamayan at mga lider ng bansa, hindi dapat na abusuhin at pabayaan ang mga kabataan.

Aniya, kung ngayon pa lamang ay inaabuso na sila, physically, sexually, at verbally, ay tiyak na masisira ang kanilang pangarap at kinabukasan. ANA ROSARIO HERNANDEZ