ni Riza Zuñiga
BUHAY na buhay ang online shopping sa bansa.
Makikita ang mga katibayan ng mga produktong nabili online sa mga kabahayan at condominium gayundin sa mga sangkatutak ng delivery sa opisina at iba’t ibang pribado at pampublikong gusali sa bansa.
Bunga ng pandemya ang nagpataas ng bilang ng mamimili sa online shopping. Mula sa datos ng Department of Trade and Industry, noong 2021 may 17 bilyon ang kita sa merkado mula sa 73 milyong aktibong gumagamit ng online shopping.
Tinatayang lolobo ito sa 17%, na aabot ang kita sa 24 bilyon sa taong 2025.
Bakit nga ba nahuhumaling ang mga Pinoy sa online shopping?
Una, kung pamilyar ang mamimili sa produkto, hindi malayong hindi siya umulit sa pagbili;
Ikalawa, kung may voucher, coupon o sale, malaki ang hatak nito sa mammimili;
Ikatlo, kung may free shipping at promo, hindi magpapatumpik-tumpik ang mga mamimili;
Ika-apat, kung kitang-kita ang pagkakaiba sa presyo ng mga produkto sa ibang produkto, nagiging madali sa mamimili ang pumili ng produkto; at
Ika-lima, nakabuo na ng tiwala at magandang samahan sa kinukuhanan ng produkto, gayundin sa asal ng taga-deliver o mga riders.
Sa loob ng ilang taon, pagkaraan ng pagsubok na pinagdaanan ng mga negosyante noong pandemya, narito ang ilang nananatili sa merkado ng online shopping:
- Shopee
- Lazada
- Carousell
- Zalora
- Seataoo
- Temu
- TikTok Shop
- ebay
Nagpapatunay na binago nito ang gawi ng mga mamimili ng nakaraang tatlong taon. Lalo ding naging madali sa mga mamimili ang lumipat ng produkto kung ang inaasahang produkto ay kulang sa kalidad.
Hindi maaalis ang isyung kapapalooban ng mga produktong nakasalang sa iba’t ibang app sa mobile phones ng mga mamimili. Napakadaling alisin ang app sa mobile phone kung hindi tapat at maasahan ang produktong ipinangako sa publiko.
Kung magkaminsan kasama sa ngitngit ng mamimili ang mga taga-deliver ng produkto, minsan sila ang inaabot ng sisi ng mamimili.
Naging mausisa, nagsusuri at nagkukumpara ang mga mamimili. Kung may diperensya ang produkto, ang mga mamimili ay titigil na. Tinatayang mga 62% ng mamimili ang umaalis sa online kapag nagkaproblema sa produkto.
Ang iba namang mamimili, hindi na irereklamo sa may-ari ng produkto ang hindi nila pagkasiya ngunit higit na mabagsik ang balitang kakalat mula sa mga marites.
Kaya sa puntong ito, malaki ang suliranin sa “refund procedure” ng mga produktong hindi pasado sa panlasa ng mga mamimili.
Iba rin ang suliranin sa mga dagdag na bayad sa produktong na-order sa online. Minsan magaling manghikayat ang tagapagsalita sa social media ngunit lahat ay kabaligtaran sa tutoong buhay.
Sa pangakong panalo sa voucher, minsan nasisingitan pa ng mga pekeng voucher, kaya’t hindi lang nito nasisira ang produktong inaasahan kung hindi maging ang ibang produkto mula sa ibang pagawaan at nagmamay-ari.
Sa pag-asang makakatipid sa mga produktong mabibili sa online shopping; matiyagang naghihintay ang mga mamimili, binibilang ang mga araw, pero pagdating ng takdang araw, wala namang darating na produkto. Tunay na nakakadala sa mga mamimili.
Kaya’t mananatili sa merkado ang mga produktong tapat sa pangako nila, subok ang kalidad at maayos ang pagpapadala.