INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang isang online retailer na nag-host sa event ng isang South Korean girl group sa bansa.
Ang Shopee Philippines ay naging host sa meet-and-greet para sa Blackpink na inireklamo ng ilang fans.
“Iniimbestigahan namin. Siyempre kailangang i-protect ‘yung mga consumer who participated in the promo. Kailangang maimbestigahan further kung saan nagkamali,” wika ni Trade Secretary Ramon Lopez sa CNN Philippines.
Ayon sa Filipino fans ng Blackpink, na-scam sila ng Shopee sa pamamagitan ng online contest nito na nangakong bibigyan ng pagkakataon ang mga tinatawag na ‘Blinks’ o fans na makaharap ang kanilang South Korean idols noong Huwebes. Ang top 40 spenders ng Shopee sa promo period ay pinangakuan ng autographs mula sa band members na sina Lisa, Rosé, Jennie Kim, at Jisoo sa SM Aura sa Taguig City.
Sa reklamo ng ilang fans, pinalitan ng Shopee ang contest mechanics sa kalagitnaan ng promo. Anila, sa initial mechanics, ang mga order ay kailangang matanggap ng Hunyo 1 para makasama sa buyer’s accumulated purchase, subalit pinaikli ang promo period ng hanggang Mayo 25.
Ilang fans din ang nagsabing inabisuhan sila ng Shopee na nanalo sila ng ticket makaraang gumastos ng libo-libong piso, subalit binawi ito ng kompanya dahil sa error.
Sinabi ni Lopez na pinag-aaralan ng DTI ang posibleng parusa laban sa Shopee o kung dapat magbigay ng refund sa apektadong fans.
“Ang mga ganyang promo, nire-register sa DTI para kung hindi na-deliver, puwedeng balikan ng consumer ang nagbigay ng promo. Either refund ‘yan o may penalty. Inaalam natin ngayon,” anang kalihim.
Aniya, nakikipag-usap na ang ahensiya sa Shopee at ang resulta ng imbestigasyon ay maaaring ilabas sa loob ng isang linggo.
Humingi na ng paumanhin ang Shopee sa Blackpink fans para sa ‘confusing, disappointing, and upsetting’ event.
“We hear your feedback loud and clear, and we understand that the event fell short of the high stand-ards that Shopee users and Blackpink fans expect,” anang online store. CNN PHILIPPINES
Comments are closed.