PINAIIMBESTIGAHAN ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Hong Kong kasunod nang minadali umanong pagpapalit ng online system para sa processing, credentialing, welfare protection at data storage para sa overseas placement.
Sa isang administrative order, bumuo si Bello ng fact-finding team na siyang mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng improprieties sa pagpili ng bagong service provider na isinagawa umano nang walang public bidding at konsultasyon.
Nabatid na ang naturang bagong online system ang papalit sa dating sistema na may 11-taon nang ginagamit, at nagkakaloob sa mga overseas Filipino workers (OFWs), employers, at accredited employment agencies ng mga data at impormasyon hinggil sa mga programa, proyekto at serbisyo ng POLO ‘on real-time.’
Batay sa mga ulat, upang mabigyang-daan ang bagong sistema, noong Disyembre 5, 2018 ay tinerminate ng POLO sa Hong Kong, ang Service Agreement sa EmployEasy Ltd..
Sa kanyang letter of termination, inimpormahan umano ni POLO Hong Kong Labor Attache Jalilo Dela Torre ang Employeasy na nais ng POLO na tumanggap ng mga aplikasyon para sa pagpapahusay ng kasalukuyang sistema. Magsasagawa na lamang din umano sila ng anunsiyo hinggil sa minimum system capabilities requirements.
Sinabi rin sa mga ulat na ang kopya ng kontrata para sa bagong sistema ay nilagdaan noong Marso 7, 2019 sa pagitan ng POLO na kinatawan ni Labor Attaché Dela Torre at Polaris Tools Ltd., na kinatawan ni Jaime Deverall, Chief Executive Officer, at isang Lindsay Ernst, at dalawa pang opisyal ng POLO na sina Marivic Clarin at Joszua Villa.
May mga alegasyon din na minadali at wala umanong transparency sa solicitation ng proposal at awarding ng bagong kontrata, sanhi upang paimbestigahan ito ni Bello. ANA ROSARIO HERNANDEZ