ONLINE TRAINING SA BSKE SECURITY INILUNSAD NG PNP

INILUNSAD ng Philippine National Police ang kanilang online training portal para sa mga miyembro ng PNP na may election duty sa darating na synchronized Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ang Police Open Academy Portal ay maaring I-access sa https://www.policeopenacademy.pnp.gov.ph. simula sa Agosto 29.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Red Maranan, ang online training ay mahalaga para sa paghahanda ng reactionary standby support force (RSSF) at iba pang PNP personnel sa kanilang magiging papel sa darating na halalan.

Aniya, isa itong “innovative approach” sa patuloy na pagsasanay at pagdevelop ng kakayahan ng kanilang mga tauhan.

Ayon kay PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya, nasisiguro ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo, at tunay na pagbabago at inobasyon sa organisasyon.

Binigyang diin ng PNP Chief ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga kalahok sa online training program upang masiguro ang tagumpay ng BSKE.
EUNICE CELARIO