ONLY JESUS

tinig ng pastol logo

DAHIL  sa hindi nakukuntento ang tao sa buhay, lagi niyang hinaharap ang kakulangan, kapintasan, kahirapan, at kagutuman. Para sa kanya, hindi siya makukumpleto hangga’t hindi natutugunan ang kanyang layaw, kagustuhan, kabusugan at walang katapusang planong makamit sa buhay. Dahil dito, hinangad ng tao ang mangarap, magsumikap, magpunyagi, mag-aral, magsakripisyo at makibaka sa hamon ng buhay. Kung paano man niya ito hinaharap ngayon, batid natin kung saan ito patutungo.

Ganito kasi tayo mag-isip, kung paniniguro lamang ang sukatan, mataas ang ating kumpiyansa at bilib sa ating sarili.

Mahirap maging kalaban ang sarili lalo pa at kung matigas ito sa gusto niyang mangyari. Ito ang mahirap makaaway ng tao sa kanyang buhay. Kung hindi niya ito mapapaamo at matuturuan, at kapag ito ay nagwala, lalo pa at hindi ito paaawat, hindi lamang ito mandaramay, kaya rin nitong manira ng ibang buhay. Ganito kasarado ang isip ng tao lalo na kung siya ay dumaraan sa masalimuot na landas ng kanyang buhay.

Subalit, hindi naman ito ang katapusan o para sa iba ay nagiging wakas man ito ng kanyang istorya, kung paano nagbabago ang kanyang sarili ayon sa kanyang diskarte sa buhay, dadalhin pa rin tayo nito sa mga tanong na walang ibang hinahangad sa atin kung hindi ang sumagot sa paraang paano tayo kikilos sa pagharap sa hamon.

Komplikado ba talaga ang buhay? Noong bata tayo ay napakapayak ng ating pamumuhay. Simple lamang ang ating gusto. Madali tayong sumaya at makuntento. Hindi natin inaalala ang bukas at lagi tayong nakatingin sa kasalukuyan. Mapagmatyag tayo noon dahil lagi tayong napapabilib ng bawat pangyayari at sitwasyon. ‘Yun nga lang, hindi tayo panghabambuhay na bata. Matanda man tayo ngayon, sapat na ba ang ating karanasan at natutunan.

Hindi tayo ligaw at kailanman hindi tayo maliligaw kung may direksyon tayong sinusundan sa bawat sandali ng ating buhay. Ito ang baon na pinadala sa ating ng kahapon, kung batid lamang natin kung saan tayo patungo ngayon, marami tayong binitawan, iniwan at kinalimutan na dapat dala-dala natin sa buhay.

Hindi man natin mabalikan ang nakalipas, hindi rin naman nawawala ang pag-asang naghihintay kung tayo ay mapupuspos ng pananampalataya. Dito pa rin tayo babalik dahil hindi malayo sa atin ang pag-ibig dahil naririto ang Diyos sa ating piling at kaantabay natin siya bawat sandali ng ating buhay.

Hindi nalalayo sa karanasan natin ngayon kung paano tayo sinusubok ng bawat pangyayari, ang patuloy na pag-anyaya sa atin na manindigan at manalig sa ating Panginoong Jesucristo. Tanging Diyos lamang ang makapupuno ng lahat ng kulang at hindi ito magiging ganap kung hindi tayo titigil sa ating kabalbalan at magkukusa na magpasailalim sa Kanya. Ginagalang ng Diyos ang ating kalayaan at huwag sana ito ang makapagpahamak sa atin.

Bandang huli, tulad ng masusustansiyang pagkain, nagbibigay man ito ng kailangan nating lakas at sustansiya, maguguton pa rin tayo pagkatapos. Makita sana natin dito ang kahalagahan ng sustansiyang kaloob ng pananampalataya dahil kung sa pagkain wala man tayong kontrol upang mapigilang kainin ang lahat ng gusto natin dala na kawalan ng kabusugan na makapagdadala rin sa ating kapahamakan.

Makamit nawa natin ang kasaganahan ng buhay sa piling ni Jesus sa paraang makapagsimulang muli na palalimin pa ang ugnayan sa Kanya sa pagpapahayag ng ating pananampalataya. Hangad ni Jesus na makasapit tayo sa tagumpay ng buhay kung saan abot-kamay natin ang Kanyang pangarap sa atin dahil natuto tayo sa Kanya na harapin ang buhay at maging kuntento sa buhay. Amen.

5 thoughts on “ONLY JESUS”

  1. 104527 374561Hosting a blog composing facility (in a broad sense) requires unlimited space. So I suggest you to discover such web hosting (internet space provider) that give flexibility inside your internet space. 42429

Comments are closed.