LABING – ISANG taon na ang aking bunso. Gusto ko man siyang pigilang lumaki ay alam kong wala akong kontrol sa panahon. Minsan lang talaga, mas mahirap sa mga magulang na umusad dahil sa alam namin na habang nagkakaedad ang aming mga anak ay lalo itong nagkakaroon ng kakayahan at maaaring lumayo na sa aming mga magulang, lalo na sa kagaya kong isang nanay.
Beybing-beybi pa naman ang aking bunsong si Raj subalit unti-unti ko nang nakikita ang mga pagbabagong pisikal sa kanya. Medyo bumababa na ang kanyang boses. Kahit papano ay nababawasan na ang kanyang baby fats. At parang hinihipan ang kanyang pagtangkad. Alam kong kasunod nito ay ang pagbabago sa kanyang mga gawi at pag-iisip.
Habang kinakantahan ko ng “Happy birthday” ang aking bunso, ang tanging dalangin ko lamang ay manatili ang kanyang pagiging magiliw sa amin. At kasabay sana ng kanyang pagtanda ay ang paglabas niya sa kanyang sarili kung saan nakikita niya rin ang pangangailangan ng ibang tao.
Hindi ko pa matiyak kung ano talaga ang pangarap ng aking bunso pero ang huli niyang sinabing ambisyon ay maging isang chef. Ito yata ay dahil sa mahilig siyang kumain na kita naman sa kanyang pangangatawan. Sa edad na onse ay nasa 145 lbs. na siya at 5’1” ang tangkad.
Sana ay hindi naman malas para sa kanya ang taong ito dahil sa mga Pinoy, masama ang ibig sabihin ng onse. Gamit ang salitang ito ng mga taong naloko.
Maraming paliwanag kung saan nagmula ang katagang na-onse. Ang isang hinuha ay galing ito sa salitang Ingles na “once” na malapit naman sa katagang “one up” na ibig sabihin ay makaisa sa iba.
Ang isa pang maaaring pinagmulan nito ay dahil sa ang isang dosena ay itunuturing na buo, kaya kung labing-isa lamang ang iyong natanggap ay para kang naloko.
Kahit saan pa nagsimula ang salitang onse, gusto kong paniwalaan na masuwerteng taon ito para sa aking bunso dahil malaking hakbang ito mula sa pagiging bata papunta sa pagiging isang tunay na adolescent.
Hindi ko man mapigil ang panahon, pipilitin kong kayanin na maging makabuluhan para sa aking anak ang paglipas ng mga taon para sa kanya.
Maligayang kaarawan, pinakamamahal kong bunso!
Comments are closed.