ONSITE RELOCATION NG INFORMAL SETTLERS

INFORMAL SETTLERS

LUSOT na sa House Committee on Housing and Urban Development ang substitute bill para sa panukalang onsite relocation para sa informal settlers families (ISFs) na pangungunahan ng local government units (LGUs).

Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act 7279, o ang Urban Development and Housing Act of 1992.

Iginiit ng chairman ng komite na si Cavite Rep. Strike Revilla na napakahalaga na maipasa na agad ang panukala upang matugunan ang pangangailangan ng mga informal settler mula sa mga siyudad.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, isa sa may akda ng panukala, ang ginagawa ngayon ng pamahalaan ay offsite relocation kung saan nagtatayo ng pabahay sa labas ng Metro Manila ngunit malayo naman sa trabaho, sa paaralan, walang social services at hindi natutugunan ang ibang pangangailangan.

Sinabi naman ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na dahil sa ganitong problema ay bumabalik ulit  sa metropolis ang ISFs habang ang iba ay ibinebenta ang mga ibinigay na housing units at bumabalik ulit sa mga dating tirahan.

Sa pangunguna ng beneficiary-association at ng Presidential Commission for the Urban Poor ay maglalatag ng plano na maglalaman ng site development plan na sumusunod sa comprehensive land use plan ng LGU kung saan dito itatayo ang project site para sa pabahay ng mga informal settler.

Tinitiyak din ng panukala na ang mga ISFs ay kokonsultahin muna dito kaugnay sa mga concerns nila patungkol sa trabaho, kabuhayan at access sa mga pangunahing serbisyo.

Batay sa ginawang pag-aaral ng University of Asia and the Pacific noong 2016, tinatayang mangangailangan ang bansa ng 12.3 Million na pabahay pagsapit ng 2030.CONDE BATAC

Comments are closed.