NAG-ALOK ang isang financial institution na itinatag ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ng tulong sa Pilipinas sa pagpondo sa ‘Build Build Build’ program ng administrasyong Duterte, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa pakikipagpulong kay Finance Secretary Carlos G. Dominguez III kamakailan, iginiit ng mga opisyal ng OPEC Fund for International Development (OFID) ang interes ng institusyon na makipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga priority program nito.
Ayon kay Dominguez, ang OFID ay maaaring tumulong sa pagpondo sa mga proyekto para sa rehabilitasyon ng Marawi sa Mindanao at sa paglinang sa New Clark City sa Pampanga, kung saan itinatayo ang isang alternatibong international airport.
Binanggit din ni Dominguez ang rehabilitasyon ng Agus power plant system sa Mindanao na sa kasalukuyan ay nag-ooperate lamang sa 40 percent capacity.
Sinabi ni Anajulia Taylhardat, director for Asia ng OFID, na magiging masaya ang institusyon na suportahan ang mga ganitong uri ng proyekto, at lubha itong interesado na tumulong sa rehabilitasyon ng Agus power plants.
“We know that one of the challenges is to have—your target is especially poverty alleviation and employment generating opportunities. We are here to reiterate our keen interest to assist and collaborate with the government and support your plans,” wika ni Taylhardat.
Ang OFID na itinatag noong 1976 ay may 13 member-countries na kinabibilangan ng Algeria, Ecuador, Gabon. Indonesia, Iran, Iraq, Kuwait, Lib-ya, Nigeria, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates at Venezuela.
Pinasalamatan ni Dominguez ang OFID sa interes nitong tumulong sa pagpondo sa ‘BBB’ program at development projects ng gobyerno at sinabing patuloy na maghahanap ang mga opisyal ng bansa ng posibleng financing o co-financing opportunities sa institusyon.
“We are very happy that you have an interest to help us,” anang DOF chief.
Ang portfolio ng OFID sa bansa magmula noong 1977 ay kinabibilangan ng 14 loans na nagkakahalaga ng $173.25 million, kung saan dalawa ang ongoing na may commitments na nagkakahalaga ng $51.609 million.
Ang mga ongoing project ay ang $30 million Road Improvement and Institutional Development Project (RIIDP), na naglalayong tustusan ang peri-odic maintenance ng may 340 kilometers ng national roads sa west coast ng Luzon, Visayas at Mindanao; at ang $21.609 million Agrarian Reform Communities Project 2, na nagkakaloob ng patuloy na suporta sa implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ang dalawang proyekto ay co-financed ng Asian Development Bank (ADB).
Ang OPEC, na naglalayong makatulong sa pagbawas ng kahirapan sa mga umuunlad na bansa, ay isang intergovern-mental organization ng 14 bansa at itinatag noong 1960 sa Baghdad. Naka-base ito sa Vienna, Austria. REA CU
Comments are closed.