OPEN, COMPETITIVE BID SA CHILD PNEUMONIA VACCINE POSIBLE – DOH

child pneumonia vaccine

MAY posibilidad na buksan ng Department of Health (DOH) ang bidding para sa pneumococcal conjugate vaccines (PCVs) sa higit sa isang bidder.

Sinabi ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na bagama’t bukas naman ang bidding ng DOH, ang mga specification para sa PCV ay tumutugma lamang para sa isang brand.

“Ang mga specs para sa open competitive bid ay dapat na maging generic upang lahat ng brands ay maaaring makalahok,” aniya.

“Ang budget para sa pneumococcal vaccines ay P4.9 bilyon kaya dapat natin itong pag-aralang mabuti,” dagdag pa ni Domingo.

Umayon naman si ­Quezon Rep. Angelina Tan, chair ng House Committee on Health, na hindi dapat paboran sa bidding ng pneumococcal conjugate vaccines (PCVs) ang iisa lamang na supplier.

Ang pahayag ni Tan ay kasunod ng pagsuspinde kamakailan ng Department of Health (DOH) sa bidding ng PCVs sa gitna ng maingay na public clamor para gawing bukas at competitive ang nasabing bidding. Pinuri ng mga doktor at medical experts ang ginawang aksiyon ng DOH dahil ang naunang panawagan para sa bidding ay nakatuon lamang sa nag-iisang supplier.

“Ang mga gamot at suppy na kailangan ng pamahalaan ay dumadaan sa Health Technology Assessment (HTA) kung saan inaalam ang cost-effectiveness ng mga ito,” dagdag pa ni Tan.

Si Tan ang may-akda ng House Bill 00172 na patungkol sa pagpapalawak ng coverage ng mandatory immunization program at paglalagay ng sistema sa pagtukoy sa kung ano-anong bakuna ang nararapat para sa iba’t ibang uri ng vaccine-preventable diseases. Inaamyendahan ng HB 00172 ang ct No. 10152, na kilala bilang ‘Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011’.

Sa panig naman ni Dr. Anna Ong-Lim, presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, parehong makatutulong ang dalawang PCV sa merkado.

Ayon kay Lim, ang pneumonia ay isang laganap na sakit, lalo na sa mga bata.

“Sa daang-daang bansa sa mundo, kasama tayo (Filipinas) sa top 15 na bansa, at ‘yung 15 na ‘yun ay responsible sa  75% kamatayan dahil sa pneumonia,” dagdag pa niya.

Comments are closed.