OPENING NG SEA GAMES SA BULACAN SUPORTAHAN

Cong Jose Antonio Sy-Alvarado

NANAWAGAN si Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado  na suportahan ang opening ceremony ng 30th  South East Asian Games (SEA Games) 2019 na gagawin sa Sabado sa Philippine Arena sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, kasabay ng paglalatag ng matinding seguridad ng pulisya, militar, at force multipliers sa mga atleta at mga delegadong dadalo sa palaro dahil ang tagumpay ng biennial meet ay tagumpay rin ng mga Bulakenyo at buong bansa.

Ayon kay  Sy-Alvarado, hinikayat niya ang kanyang kadistrito na magpakita ng suporta sa SEA Games at mga atletang Filipino kung saan marami ding atletang bulakenyo ang kabilang sa national pool na sasabak sa iba’t ibang event  kung saan target ng ating bansa na makamit ang overall champion sa 11 bansang naglalaban sa biennial meet bagamat maraming sports officials ang umaasang si­gurado na tayo sa top three spots.

Si Cong. Alvarado, higit na kilala bilang Kuya Jonathan ang siyang team owner ng Bulakan Kuyas na sumasabak sa MPBL at masugid na sumusuporta sa sports program ng gob­yerno at inaasahan din ang kanyang presensiya sa opening ng palaro na tiniyak na magiging maayos dahil sa matinding security forces na nakakalat sa labas at loob ng Arena bukod pa sa rerouting ng mga sasakyan dahil sa malaking volume ng sasakyan na papasok sa NLEX papuntang Bocaue.

Inaasahan ding daragsain ng mga Bulakenyo ang magarbong opening ng SEA Games para saksihan ang parada ng mga atleta at opisyal na delegado ng mga  kalahok na bansa habang simula sa Biyernes ay bantay-sarado na ng Bulacan PNP ang palibot ng Philippine Arena para matiyak na walang masasamang loob na maaaring samantalahin ang biennial games para manggulo. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.