PANSAMANTALANG ipinahinto ang operasyon ng Cebu Pacific mula Abril 15 hanggang sa katapusan ng buwang ito, dahil sa extension ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Ito ay alinsunod sa kautusan ng pamahalaan at pakikipagtulungan ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang mapigilan o mahinto ang pagkalat ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at karatig na mga lugar sa Luzon.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga apektadong pasahero ng Cebu Pacific na magpa-rebook sa kanilang panibagong flight schedule sa loob ng tatlong buwan nang walang babayaran na rebooking fees, o kaya full refund sa perang ibinayad sa ticket.
Ayon pa sa pamunuan ng Cebu Pacific, maari rin na ilagay ng mga apektadong pasahero ang kanilang pera sa full travel fund sa loob ng isang taon para magamit sa kanilang future flight.
Samantalang sa mga pasaherong nagnanais ng full refund, magsisimula ang proseso sa darating na Mayo 4 ng taong ito pagkatapos ng pinaiiral na enhanced community quarantine. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.