GOOD DAY mga kapasada!
Sa isyu pong ito, ating tatalakayin ang mahalagang aspeto ng Diesel Engine. Ito ay sa kahilingan na rin ng maraming mga kapasada na ang gamit na panghanapbuhay ay pampasadang sasakyan na nagtataglay ng Diesel Engine.
Tanong po ni Toto Fernandez ng Kabihasnan, Parañaque City, ang paninibago sa kanyang minamanehong pampasaherong jeepney na ang makina ay diesel. Dati raw, mayroon siyang minamanehong sariling taksi, ngunit dahil sa kalumaan nito, hindi na niya mairehistro dahil sa hindi ito nakapasa sa emission testing.
Gaya nang karaniwang ginagawa ng pitak na ito, gumagawa tayo ng pananaliksik at panayam sa mga qualified mechanic para matugunan natin ang kahilingan ng ating mga kapasada.
PAGKAKAIBA NG DIESEL AT GAS ENGINE
Ano ba ang pagkakaiba ng diesel engine sa gas engine? Ayon kay Junior Feliciano ng Feliciano Motor Shop sa Cruz Compound, Parañaque City, ang diesel engine ay nagtataglay ng maraming bahagi na karaniwang matatagpuan din sa gas engine. Ngunit ang mga ito ay mas matibay dahil sa malulubhang siklo (cycle) ng diesel.
Ang mga ito sa dalawang makina ay inuuri ng mga bahaging nagkakaiba ang mga sistema, ang paglalagay ng gatong (fuel) sa mga diesel engine na siyang pumapalit sa karburador sa gas enine at sa munting kinalalagyan ng kombustiyon (combustion chamber) para sa thermal ignition na nasa diesel engine na katumbas ng spark plug ng gas engine.
Ipinaliwanag ni Feliciano na dahil ang krudo (diesel) ay mas mabigat sa gasolina at mas mahirap na pasingawin sanhi ng katutubong anyo nito, kailangan itong pasingawin (automized) sa paraang mekanikal.
Samantala, sinabi ni Feliciano na sa gas engine naman, ang gatong ay iwiniwisik na parang hangin, na ang ibig sabihin ay napupuwersa itong lumabas sa nozzle dahil sa pagkakaiba ng presyon na nasa paloob at palabas ng nozzle. Ang pagkakaiba ng presyon o pressure na ito ay bunga ng aksiyon ng makina sa sandali ng admission stroke.
Malaki at maraming pagkakaiba sa pagitan ng diesel at gas engine. Ito ang ipinaliwanag ni Feliciano sa pakikipanayam.
Aniya, ang mga diesel engine ay karaniwang nilalagyan ng anim na anilyo sa bawat piston. Ang apat na anilyong pang itaas ay yari sa mga kombensiyonal samantalang ang mga anilyong malapit sa ibabaw ng wrist pen at ang isang nasa labas ay mga tipong air control, samantalang ang mga gas engine ay karaniwang nilalagyan ng tatlong anilyo lamang.
Ang diesel engine ay isang panloob na kombustiyong makina na umaasa sa init ng kompresyon sa pagsisindi ng gatong.
Ayon kay Feliciano, malaki ang pagkakaiba ng diesel engine sa gas engine tulad ng sumusunod:
- Tanging hangin lamang ang tinatanggap sa sandali ng admission stroke. Tuwirang ipinapasok ang gatong sa loob ng kombustiyon (combustion chamber) sa dulo ng compression stroker at sa unang bahagi ng power stroke.
- Ang gatong ay sinindihan sa pamamagitan ng init ng mataas na kompresyon.
- Dahil sa kayarian, ang mga parte ng diesel engine na sumasagap ng malakas na presyon at pahirap ay nararapat maging mas matibay kaysa karaniwan o dili kaya ay yari sa mga espesyal na materyales.
- Ang pangunahing pagkakaiba: sa diesel engine, ang init sa pagpapalabas ng gatong ay nasa hangin ng silindro bago simulan ang paggamit ng gatong.
Sa gas engine naman, ang gatong ay nasa hangin sa sandali ng pagtanggap bago simulan ang paggamit ng init – ang siklab (electrical spark) ang magsisindi sa gatong.
- Sa makinang ginagamitan ng gasolina, ang isang karga ng gasolina at hangin ay nagkakahalo sa loob ng karburador, at pagkatapos ay sinisiksik sa silindro at sinisindihan ng isang siklab (spark).
Samantalang sa diesel engine, isang karga ng hangin lamang ang nasisiksik sa silindro, ipinapasok ang gatong at sinisindihan sa pamamagitan ng init ng mataas na kompresyon (hangin). Ang diesel engine ay tinagurian bilang isang makinang may pirmihang presyon sapagkat sumisindi ang gatong sa sandaling ang mga unang katiting ng mga bagay (particles) nito ay pumasok sa silindro at magpatuloy sa pagsindi, sa pagsunog at pagpapalawak sa buong sandali ng pagtanggap kung kaya ang presyong nalilikha nito ang nagpapagalaw sa piston nang pasulong.
Habang dumarami ang nalilikhang presyon, patuloy sa paggalaw ang piston na siyang nagbibigay ng higit pang espasyo sa mga lumalawak o lumalaking gas. Ang resulta o bunga nito ay halos isang pirmihang presyon ng piston.
Samantala, ang gas engine naman ay tinagurian bilang isang makinang may pirmihang volume sapagkat ang volume ng gasolina at pinaghalong hangin ang pumapasok sa silindro at ito ay nasisiksik at pagkatapos ay nasisindihan ng isang (siklab) spark.
Ang resulta o bunga nito ay isang pagsabog o explosion, isang kagyat ng presyong mabilis bumaba habang ang piston ay gumagalaw at nagbibigay ng higit pang espasyo sa gas.
DALAWANG URI NG DIESEL ENGINE
Ipinaliwanag ni Feliciano na may dalawang uri ng diesel engine tulad ng engine na may apat na siklo at ang dalawang siklong makina.
Ang operasyon o pagpapatakbo ng isang apat na siklong diesel engine ay binbuo ng mga sumusunod:
- Ang hangin ay ipinapasok sa silindro sa sandaling una o admission stroke.
- Ito ay nasisiksik sa sandali ng ikalawa o compression stroke. Sa malapit sa dulo nito, ang gatong ay ipinapasok sa silindro.
- Ang matinding init ng kompresyon ang nagsisindi ng gatong at lumilikha ng presyong nagpapagalaw sa piston sa pangatlong exhaust stroke.
KAUNTING KAALAMAN – Ang mga motorista ay dapat sumunod sa signal para sa mga taong tumatawid. Ang mga signal na ito ay inilagay upang maayos ang magiging takbo ng sasakyan at ng taong tumatawid.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
Happy motoring! (photos mula sa google)
Comments are closed.