OPERASYON NG PMVIC KINUWESTYON NG CLEAN AIR ADVOCATE GROUP

UMALMA na ang grupo ng INA-KALIKASAN kung bakit patuloy pa ring nag-ooperate ang mga Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) sa kabila ng natuklasang anomalya sa ginawang pagsasapribado ng Land Transportation Office [LTO] Motor Vehicle Inspection System sa bansa.

Sa isang panayam kay Presidente Jun Evangelista ng grupo ng INA-KALIKASAN, sinabi nito na maliwanag ang ginawang pagbabalewala sa Senate Committee Report No. 184 na inilabas ni Senadora Grace Poe bilang Chair ng Senate Public Services Committee.

Base ito sa isinagawang pagsisiyasat ng Senado ang kuwestyunableng paglikha ng PMVIC mula sa kawalan ng konsultasyon, hindi sapat na bilang ng Inspection center, mga glitches sa sistema at iba pa.

Sa nabanggit na Senate Committee Report, ipinababasura ang kontrobersyal na DOTR Department Order 2018 – 19 na siyang pinagbasihan sa pagbuo ng PMVIC at nagpasara sa libong bilang ng mga Private Emission Testing acaenters sa ibat-ibang lugar sa bansa.

Nagtataka si Evangelista, kung bakit nananatili ang PMVIC sa pag -ooperate gayong binuo lamang ito sa pamamagitan ng isang Department Order ng DOTR kumpara sa pinakikinabangang operasyon ng Private Emission Testing Centers na itinayo sa pamamagitan ng Republic act 8749 o ang Philippine Clean Air Act of 1999.

Matatandaan na ipinag-utos noon ni dating DOTR Secretary Arturo Tugade ang suspension sa Mandatory Testing ng mga sasakyan sa mga PMVIC dahil pag-aaralan pa raw itong muli.

Subalit, inabutan naman ng kasalukuyang administrasyon na naglabas ng panibagong Department Order nitong nakalipas na buwan ng Marso 6 ng taong kasalukuyan na lalong nagbigay ng kapangyarihan sa PMVIC na magpatuloy sa kanilang operasyon. EVELYN GARCIA