OPERASYON SA PALIPARAN IPAUBAYA NA SA PRIVATE SECTOR

Rep-Winston-Castelo

IMINUNGKAHI ng isang kongresista na ipaubaya na lamang ng gobyerno sa pribadong sektor ang panga­ngasiwa sa operasyon ng mga paliparan sa bansa, kasama na rito ang ­Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo, nakalulungkot man pero wala talagang kakayahan ang gobyerno pagdating sa airport business.

Aniya, patuloy pa rin ang pag-iral ng politika sa airport operations kaya kahit anong tangka na pa­tinuin ang pamamalakad sa mga paliparan ng pamahalaan ay hindi ito magawa.

Itinuturo pang dahilan ni Castelo ang katiwalian sa iba’t ibang aspeto ng airport operations kahit pa sa mismong NAIA.

Naniniwala ang ­kongresista na mas malaki ang pag-asa na pumantay sa global standards ang mga paliparan ng bansa kung mga eksperto sa pribadong sektor na ang mangangasiwa rito.      CONDE BA-TAC

Comments are closed.