OPERATION NG POGO TIGIL MUNA DAHIL SA COVID-19

POGO-STOP

TIGIL muna ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) bilang pagsunod sa ipinatutupad na Enhance Community Quarantine ng pamahalaan dahil sa paglaganap ng coronavirus 2019 o COVID-19.

Ayon kay Atty. Margarita Gutierrez, abogado ng Association of Philippine Offshore Gaming Operators and Service Providers, nais nilang ipaalam sa publiko na tigil na muna ang kanilang operasyon.

Sinabi ni Gutierrez, agad na tumalima ang samahan ng POGO noong makarating sa kanila ang inilabas na memorandum ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong Miyerkoles, Marso 18, 2020.

“Sa kasalukuyan, ay sarado na po ang mga kompanya na kabilang sa asosasyon bilang pagsunod po sa guidelines na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the COVID-19 Outbreak, ” pahayag ni Gutierrez.

Ani Gutierrez, humiling lang sila IATF at PAGCOR na payagan ang ilan nilang empleyado para sa maintenance ng data centers, software, technical device at iba pang equipment para hindi masira ang mga ito.

“Ipinapaalam din po namin na ang mga Pilipinong manggagawa na maapektuhan ng pansamantalang pagtigil ng operasyon ng mga kompanya ay bibigyan ng tulong sa pamamagitan ng mga compensation package at iba pang financial assistance upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, maitawid ang kanilang pamilya at kayanin nila ang mga pagsubok ng krisis na ito,” sabi pa ni Gutierrez.

Ang mga dayuhang manggagawa naman ng POGO ay mananatili sa kanilang mga tinutuluyan at pinagbawalang gumala sa labas.

Ayon pa sa asosasyon ng POGO, nakatuon ngayon ang kanilang pansin para tulungan ang pamahalaan sa pandaigdigang laban sa COVID-19 pan-demic.

“Makakaasa po kayo na ang POGO sa bansa ay naririto upang maging kaagapay ng Pilipinas (sic) sa pag-unlad sa kabila ng mga ganitong oras ng pagsubok” pahayag pa ni Atty. Gutierrez.

Comments are closed.