(‘Operation Private Eye’ ng PDEA) P10.2-M PABUYA SA 13 CONFIDENTIAL INFORMANTS

NAGLABAS ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng halagang ₱10,262,337.03 upang ipagkaloob bilang pabuya sa kanilang 13 confidential informants na nagbibigay ng impormasyon dahilan upang naging matagumpay ang 22 anti-drug operations at pagkakakumpiska ng malalaking halaga ng iligal na droga ng ahensiya.

Ang pagkakaloob ng pinansiyal na insentibo ay base sa ilalim ng PDEA “Operation Private Eye”, isang citizen-based information collection program na itinatag upang hikayatin ang aktibong partisipasyon ng mga publiko na ireport ang mga illegal drug activities sa kanilang komunidad.

Personal na ipingkaloob ni PDEA Director General Wilkins M Villanueva ang ‘monetary rewards’ sa mga informants na kinilala lamang sa pamamagitan ng kanilang code names, at nakasuot ng masks upang maprotektahan ang kanilang pagkikilanlan sa isinagawang awarding ceremony nitong Martes (April 19), sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.

Nabatid na pinakamalaki ang natanggap na pabuya ni Codename ‘Dream,’ na nakakuha ng kabuuang mahigit sa P4.125 milyon dahil sa tatlong matagumpay na buy-bust operation sa Quezon City, Cavite at Valenzuela City, noong mga buwan ng Hulyo at Agosto, 2021, at nagresulta sa pagkakumpiska ng may 163,028.21 gramo ng shabu at pagkakaaresto ng limang drug suspects.

Si Codename Bonky naman ay nakatanggap ng P1.986 milyong pabuya dahil sa dalawang matagumpay na buy-bust operation noong Abril at Mayo, 2021 sa Pasig City at Cavite, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng may 32,247.18 gramo ng shabu at pagkakaaresto ng isang drug personality.

Nakatanggap naman si Codename Palanyag ng P1.959 milyon dahil sa limang matagumpay na operasyon sa Parañaque City, Las Piñas City, Muntinlupa City, Taguig City, at Marikina City, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng may 24,697.65 gramo ng shabu at pagkakaaresto ng may 13 drug suspects.

Habang ang iba pang impormante na nakatanggap ng pabuya ay sina Codenames Salonga (₱581,454.06); Myay (P500,000); Bakil (P269,200); Otoh (P220,000); Datu (P305,410.02); Littoko (P115,395); Nonon (82,780.18); Marie (P52,989.92); Kobid-19 (P36,949.61); at ABS (P31,330.51).

Ang Private Eye Rewards Committee ay binubuo ng mga miyembro mula sa academe, non-government organizations, law enforcement, religious at business sectors, na nagde-deliberates at mag-aapruba sa pagkakaloob ng cash rewards sa confidential informants.

“Operation Private Eye” is an incentivized program to embolden the citizenry to come out in the open and report illegal drug activities happening in their neighborhood with guarantees of anonymity, confidentiality and security,” pahayag ng PDEA chief. EVELYN GARCIA