SABAY-SABAY na binuksan kahapon ang 23 free Wi-Fi stations sa ilang bahagi ng bansa na may bilis na aabot sa 30 megabits per second (mbps).
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan II, ang inisyatibo ay bahagi ng target ng pamahalaan na makapagtayo ng 8,073 sites ngayong taon.
“Ang issue rito is connectivity. Connectivity means getting access to data real-time. ‘Yun ang kagandahan sa technology ngayon dahil it’s almost free, it’s a global phenomenon,” pahayag ni Honasan sa mga reporter sa Army General Hospital sa Taguig City.
Ang Army General Hospital ay isa sa Wi-Fi stations na in-activate kahapon, na kumakatawan sa National Capital Region.
“You connect government to other governments — domestic and global, you connect government to business, connect government to our citizens, and connect government to our armed men who are protecting this country,” anang kalihim.
Dagdag pa ni Honasan, titiyakin nila na mapanatili ang mabilis na internet connection sa bawat Wi-Fi station.
Kabilang sa mga lugar na unang makikinabang sa libreng Wi-Fi connection ang Dagupan City (Region 1), Tuguegarao City (Region 2), Mabalacat City (Region 3), Morong, Rizal (Region 4-A), at Victoria, Oriental Mindoro (Region 4-B).
Operational na rin ang free Wi-Fi stations sa Sorsogon, Iloilo Negros Occidental (Region 6); Cebu City (Region 7); Eastern Samar (Region 8); Zamboanga City (Region 9); at Cagayan de Oro (Region 10).
Kasama rin sa listahan ang Davao City (Region 11), South Cotabato (Region 12), Agusan del Norte (Region 13), Cotabato City (BARMM), at Baguio City (CAR).
Ayon kay Honasan, ang major telecommunications companies sa bansa ang magkakaloob ng serbisyo sa ilang lugar.
“We’re applying the principle of convergence. All institutions, all agencies, and the principle of public-private partnership,” aniya.
Naunang sinabi ng DICT na plano nitong magtayo ng 250,000 Wi-Fi access points sa buong bansa bago sumapit ang 2022, sa pagtatapos ng six-year term ni Pangulong Rodrigo Duterte. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.