HINIMOK ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang Department of Justice (DOJ) na maglabas ng opinyon na naglilinaw sa hurisdiksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pribadong dayuhang sasakyang pandagat.
Batay sa transcript ng nakaraang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drug ukol sa pagkakasamsam ng 1.4 toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas, sinabi ng kinatawan ng PCG na hindi sila malayang nakakakilos at walang hurisdiksyon sa mga dayuhang pribadong yate dahil sa Maritime Industry Authority (MARINA) circular.
Ipinaliwanag ni Tolentino na isa ring abogado na ang mandato ng PCG ay nagmumula sa RA 9993 (Philippine Coast Guard Law of 2009) at hindi ito maaaring ipawalang-bisa ng isang simpleng circular.
Sumang-ayon si Justice Undersecretary Raul Vasquez sa posisyon ni Sen. Tolentino na nilinaw na ang mandato ng MARINA ay limitado sa pagpaparehistro at administrasyon ng mga sasakyang pandagat.Ang PCG, bilang isang awtoridad sa pagpapatupad ng batas, ay may kapangyarihan pa ring inspeksyunin ang mga pribadong dayuhang sasakyang pandagat.
Samantala, hiniling ng senador na isama ang Senate Bill 2265 o The Philippines Archipelagic Sea Lanes Act sa ulat ng komite, kasama ang opinyon ng DOJ.
Binibigyang-diin nito, ang pangangailangan ng isang batas na nagtatakda ng mga daanan sa karagatang sakop ng ating teritoryo.
VICKY CERVALES