OPISINA NG BI SA AIRPORT BUKAS 24/7

SA kabila ng pagsipa ng COVID-19 sa bansa, bukas 24/7 ang opisina ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang mabigyan ng magandang serbisyo ang in and out ng mga pasahero sa airport, ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Aniya, walang reduction ng kanilang manpower o mga tauhan na naka-deploy sa mga paliparan at iba pang ports, upang maging maayos, o hassle free ang biyahe ng international travelers palabas at papasok sa bansa.

Kaugnay nito ay inatasan ni Morente si Atty. Carlos Capulong, BI acting port operations division (POD) chief, na panatilihin ang work schedule ng mga immigration officer sa airport.

Sundin din ang kautusan ng Inter-Agency Task Force for COVID-19, na magsuot ng personal protective equipment (PPE) upang makaiwas sa Omicron variant.

Samantala, bilang pagbibigay daan sa mga resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), mananatili ang sixty percent on-site work capacity ng kanilang opisina sa Intramuros mula  Enero 3 hanggang  15, habang nasa alert level 3 ang National Capital Region (NCR). FROI MORALLOS