OPISYAL NA LISTAHAN NG ‘ASPIRING SENATORS’ NG BBM-SARA UNITEAM INILABAS NA

BBM-SARAL UNITEAM

INIANUNSIYO nitong Huwebes ng BBM-Sara UniTeam ang ‘partial list’ ng kanilang mga kandidato sa pagka-senador para sa darating na halalan sa 2022.

Pinangalanan ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang kanilang senatorial candidates na sina Rep. Rodante Marcoleta, bilang unang pick, kasama sina Atty. Larry Gadon, Senator Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, dating Public Works and Highways secretary Mark Villar, dating senador at Rep. Loren Legarda, dating tagapagsalita ng Malakanyang na si Atty. Harry Roque, dating senador Jinggoy Estrada, dating defense secretary Gilbert Teodoro, Senator Sherwin Gatchalian, at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Ang naturang listahan ay pinagsamang beterano at kilalang mga political personality na naging matagumpay sa kanilang mga larangan, ani Rodriguez.

Si Sagip Party-List Representative Marcoleta ay mambabatas noon pang 2013. Nakilala siya sa pagtapyas at umabot lamang sa P1, 000 na pondo ng Commission on Human Rights noong 2017.

Si Gadon ay kilalang masugid na taga-suporta ni BBM sa maraming taon at ngayon ay dahan-dahang umaakyat sa mga survey.

Ang pagkasali naman ni Zubiri sa listahan ay lalong nagpatibay at nagpalakas sa BBM-Sara UniTeam sa Mindanao.

Katulad ni Zubiri, na nasa ika-limang pwesto sa pinakahuling survey, sina Villar at Gatchalian naman ay kapwa rin nasa ika-anim at pang-walong puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Sina Estrada at Legarda naman ay nananatili rin sa Magic 12 sa mga respetadong survey.