OPISYAL NG BUCOR NAGBITIW SA PUWESTO

INIHAYAG ng Bureau Correction (Bu-CoR) na nagbitiw sa puwesto ang superintendent ng New Bilibid Prison na si Angelina Bautista nang dahil sa mga umano’y walang basehang mga akusasyong ipinupukol laban sa kanya.

Ayon sa pahayag ng pamunuan ng BuCor na epektibo mula Agosto 11, inihain na ni Bautista ang kanyang irrevocable resignation bilang Executive Assistant IV ng Office of the Director General.

Dahilan nito, hindi na komportable ang dating opisyal sa kanyang pagtatrabaho nang dahil sa mga kontrobersiya at walang basehang mga akusasyong ipinupukol laban sa kanya.

Ngunit, sa kabila nito ay binigyang-diin ni Bautista sa kanyang resignation letter ang kaniyang pagbibitiw ay hindi nangangahulugang inaamin o inaako niya ang mga malisyosong isyung ibinabato sa kanya sa kabila ng ilang taon niyang serbisyo.

Kaugnay nito, nagpahayag pa rin naman ng pasasalamat si Bautista kay BuCoR Director General Gregorio Catapang Jr. sa pagtanggap sa kaniyang pagbibitiw.

Matatandaang una nang sinibak si Bautista sa kanyang puwesto kasunod ng imbestigasyon ng mga mambabatas hinggil sa iba’t ibang usapin na kinuwestiyon sa ginanap na House Committee on Public Order and Safety hearing.

Ang naturang pagdinig ay kaugnay sa pagkawala ng bilanggong si Michael Cataroja sa bilibid.

Maliban pa rito, iniuugnay din umano si Bautista sa umano’y construction business sa loob ng nasabing correction facility bagay na mariin din niyang pinabulaanan.
EVELYN GARCIA