OPISYAL NG CBCP LIGTAS SA BUS ACCIDENT SA EGYPT

Pablo Virgilio David

NASA ligtas nang kalagayan ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nasangkot sa isang bus accident habang nasa pilgrimage sa Mount Sinai, Egypt.

Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, si Father Marvin Mejia, na secretary general ng CBCP ay nakalabas na mula sa Sharm El Sheikh International Hospital.

Sinabi ni David na siya ring bise presidente ng CBCP, na mismong si Father Jan Limchua, na nagtatrabaho sa Apostolic Nunciature sa Cairo, Egypt ang nagbigay sa kanila ng impormasyon hinggil sa kondisyon ngayon ni Mejia.

Tatlong ulit na rin umano niyang nakausap si Mejia na kasalukuyan nang nagpapahinga sa isang hotel sa naturang bansa.

Lumilitaw na nasa pilgrimage ang grupo at nagtu-tour sa Egypt nang maaksidente ang sinasakyan nilang bus noong Martes ng gabi, matapos nilang bisitahin ang Saint Catherine’s Monastery sa Mount Sinai.

Nabatid na pinagkalooban din naman ng kaukulang tulong ng Philippine Embassy sa Cairo si Mejia at ang iba pang Pinoy na kasama nito nang maganap ang aksidente. ANA ROSARIO HERNANDEZ