CAMP PACIANO, RIZAL – HINDI na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang isang Land Inspector ng Department Environment and National Resources (DENR) matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek sa Bgy. Masaya, Bay, Laguna kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ni P/Maj. Jose Tucio, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Joseph Erwin Mata Blanca, 43-anyos at residente ng 11 Int. 1, Unson St. Brgy. II-C, San Pablo City.
Samantala, nakaligtas naman ang kasamahan nito na si Ann Leonar Chico makaraang hindi idinamay sa pamamaril ng suspek kung saan mabilis na tumakas matapos ang insidente lulan sa isang kulay asul na motorsiklo patungo sa bayan ng Calauan.
Sa pagsisiyasat ni P/SSgt. Reden Cadsawan, may hawak ng kaso na naganap ang insidente dakong ala-5:30 ng hapon habang papauwi ang biktima lulan sa kanyang kulay puting kotseng Nissan Sentra nang harangin at barilin nang malapitan na kung nasa sasakyan din ang katrabaho ni Blanca.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang leeg ang biktima mula sa hindi pa mabatid na kalibre na baril na agad nitong ikinamatay.
Kaugnay nito, malalimang imbestigasyon ang isinasaga ng pulisya sa kaso para sa agarang pagkakakilanlan sa suspek kabilang ang posibleng motibo sa pananambang. DICK GARAY
Comments are closed.