OPISYAL NG PNP-HPG KULONG SA EXTORTION

Extortion

CAMP CRAME –ARES­TADO ang isang opisyal ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ng mga operatiba ng  PNP – Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa loob mismo ng Camp Crame dahil sa pangongotong noong  Miyerkoles ng gabi.

Isang entrapment ope­ration ang ikinasa laban kay PNP-HPG operations Management Division deputy chief Police Major Raul Salle na  inirereklamo ng robbery extortion.

Nag-ugat ang pagkilos ng PNP-IMEG sa sumbong ng isang complainant na humingi ng tulong kay Salle noong 2018 para imbestigahan ang pagkawala ng kanyang SUV.

Sa halip na aksiyunan agad ay  nanghingi umano ito ng P140,000 para maumpisahan ang imbestigasyon.

Nagdeklara ang complainant na wala siyang ganoong pera sa kasalukuyan subalit pinayuhan umano ito ni Salle na umutang muna ng pera sa isa pang tauhan ng HPG.

Kamakalawa ng gabi ay inilunsad ang operasyon laban kay Salle kung saan agad itong inaresto ng kanyang mga kabaro matapos na tanggapin ang P400,000 na marked money.

Nasa kustodiya na ng PNP-IMEG si Salle at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban dito. VERLIN RUIZ/REA SARMIENTO

Comments are closed.