MAYNILA – ARESTADO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong Indian, kabilang ang isang Filipina na nahulihan ng opium at morphine na ikinubli pa sa mga kahon ng rabies vaccines sa isang entrapment operation na isinagawa sa Paco.
Iprinisinta ng NBI-Cybercrime Division sa mga mamamahayag ang mga suspek na kinilalang sina Kumar Sunil Motumal, Chutani Rakhi Darbala at Mary Chris P. Mabini, na pawang nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at RA 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 sa Manila Prosecutor’s Office.
Nauna dito, nakakuha ng impormasyon ang NBI-CCD hinggil sa isang tindahan na nagbebenta ng gamot na may tatak na “Kamini Vidrawan Ras” at may label din na “For sale in India Only” na sinasabing bakuna sa tao laban sa rabies.
Natuklasan din na nagbebenta ang nasabing tindahan ng herbal medicines sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kliyente gamit ang cellphone kaya agad na nagsagawa ng test-buy ang mga operatiba at nakabili naman ng dalawang kahon ng nasabing gamot at isinailalim sa forensic examination ng NBI.
Nang makumpirma na hindi bakuna laban sa rabies at lumabas na positibo sa opium at morphine, na parehong ilegal na droga, ay agad sinalakay ang tindahan.
Naaktuhan sa tindahan ang mga naka-display na pitong gold boxes na may tatak na “Kamini Vidrawan Ras” at “For Sale In India Only” at isa pang maliit na kahon na may tatak na “Rabipur” na ang ibig sabihin ay bakuna para sa tao laban sa rabies.
Bigo ang mga suspek na makapagpakita ng lisensiya o sertipikasyon mula sa Food and Drugs Administration (FDA) kaugnay sa mga gamot, bilang prima facie evidence laban sa kanila. PAUL ROLDAN
Comments are closed.