OPLAN BAKLAS SIMULA NA

Spokesperson James Jimenez

INATASAN kahapon ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato para sa May 13 midterm elections na simulan na ang pagtatanggal ng kanilang mga election propaganda na nagkalat sa mga lansangan.

Ito’y kasunod na rin nang pagsisimula na ngayong araw, Martes, ng campaign period para sa national candidates

Sa ipinalabas na pabatid ng Comelec para sa lahat ng kandidato at partido, na nilagdaan ni Comelec Spokesperson James Jimenez, inihayag nito na bago ang pagsisimula ng campaign period ay dapat na mabaklas na ng mga kandidato ang  campaign materials na ikinabit nila.

“The Comelec reminds candidates to immediately remove all prohibited forms of election propaganda at least 72 hours before the start of the campaign period. Otherwise, said candidate or party will be presumed to have committed the pertinent election offense during said campaign period for national or local candidates, as the case may be,” nakasaad sa naturang pabatid.

Aminado naman si Jimenez na masyadong marami ang mga nagkalat na campaign paraphernalia ng mga kandidato kaya’t bibigyan pa aniya ng poll body ang mga ito ng hanggang tatlong araw para mabakbak ang mga materyales nila sa pa­ngangampanya.

Sa pagtatapos aniya ng naturang panahon, ay sisimulan na ng Comelec ang pagdodokumento ng  campaign materials na hindi nabakbak, at saka sila na ang magsisimulang magbaklas ng mga ito.

Iginiit naman ni Jimenez na kahit hindi ang kandidato ang nagkabit ng mga campaign materials na nakapangalan sa kanya, ay obligasyon pa rin niyang baklasin ang mga ito lalo na’t siya naman ang nakinabang dito.

“Kahit hindi ikaw ang nagkabit (campaign materials), responsibilidad mo ‘yan, dahil ikaw naman ang nakinabang,” anang poll official.

Nagbabala naman si Jimenez na itinuturing na election offense ang hindi pagbabaklas ng mga kandidato ng mga campaign material.

Batay sa inilabas na calendar of activities ng Comelec, ay Pebrero 12 na magsisimula ang campaign period para sa national candidates habang sa Marso 9, 2019 naman aarangkada ang panahon ng kampanyahan para sa local candidates.

Nabatid na kabilang sa ipinagbabawal na election propaganda ay ang mga nakapaskil sa labas ng common poster areas, mga nasa pampublikong lugar, at ang mga nasa pribadong lugar na walang consent ng may-ari ng espasyo. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.