‘OPLAN BIYAHENG AYOS’ BINUHAY NG MIAA

MULING binuhay ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang “Oplan Biyaheng Ayos” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang paghahanda sa pagtaas ng bilang ng mga pasaherong sa Semana Santa lalo na sa araw ng Huwebes at Biyernes.

Kasabay nito binuksan din ang Malasakit help desk na magsisilbing alalay sa mga pasahero, upang maiwasan ang anumang kakaharapin problema sa check-in counter at sa kanilang mga destinasyon.

Bukod dito, inaasahan din ang problema sa trapiko, kung kaya’t pinapayuhan ang riding public na maglaan ng mahabang oras sa biyahe papuntang airport upang hindi maiwanan sa kani-kanilang mga flight.

Ayon sa MIAA, malaki ang posibilidad na umabot sa mahigit sa isang milyon ang mga pasahero na makikipagsiksikan sa mga paliparan sa ngayong Holy Week.

Anila may posibilidad na umabot ito sa 128,000 hanggang 138,000 domestic at international passengers kada araw dahil sa Semana Santa.

Nagtalaga din ang pamahalaan ng karagdagan manpower, kagamitan, amenities at key facilities, kabilang ang critical airport utilities at ang tinatawag na back up system. FROILAN MORALLOS