OPLAN GALUGAD IKINASA SA BILIBID

BILIBID

MULING isinagawa ang Oplan Galugad ng pinagsanib na puwersa ng PNP-SWAT, 4,000 pulis, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Special Action Force (SAF) at ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng mada­ling araw.

Sa isinagawang raid, karamihan sa mga nakumpiskang gamit ay mga patalim tulad ng kutsilyo bukod pa sa mga electronic gadget tulad ng cellphones, barbecue sticks at ballpen.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas, ito ang kauna-unang pagkakataon na mag-sagawa ng ganito karaming operatiba ang lumahok sa naturang raid sa loob ng NBP upang masuyod ng husto ang pag-iinspeksiyon sa mga selda at mapabilis na rin ang kanilang operas­yon.

Sinimulan ang Oplan Galugad bandang alas-4:00 ng madaling araw kahapon kung saan naunang siyasatin ang lahat ng selda at shanty sa Quadrant 2 at 3 ng Maximum Security Compound ng NBP dahil ito umano ang lugar na hindi masyadong nagalugad nang isagawa rito ang huling operasyon.

Nagbunga ang mata­gumpay na panggagalugad ng mga operatiba sa loob ng NBP bunsod ng perso­nal na paghingi ng pabor sa kanya ni Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.

Dagdag pa ni Sinas, binanggit sa kanya ni Bantag na may mga ulat na natatanggap ang NBP tungkol sa patuloy na pagpasok ng mga kontrabando sa loob ng pambansang kulungan tulad ng cellphone na ginagamit pangkontak ng ilang preso upang makapagpatuloy sa kanilang pagbebenta ng shabu sa labas ng naturang kulu­ngan.

Ang mga nakumpsikang iba’t ibang electronic gadgets ay isasailalim sa forensic investigation ng NBP. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.