OPLAN GREYHOUND OPS SA PASAY CITY JAIL

PASAY CITY JAIL

NAGSANIB puwersa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) at Pasay City police para sa “Oplan Greyhound operation” at sorpresang ininspeksiyon ang Pasay City jail  na ikinabulabog ng mahigit 1,000 preso  kahapon ng madaling araw sa naturang piitan.

Sinimulan ang sorpresang inspeksiyon sa Pasay City jail dakong alas-4:30 ng madaling araw at pinaghubad ang 1,300 na bilanggo suot lamang ang kanilang brief na pawang nakakulong sa 14 na selda bago guwardiyadong pinalabas ng piitan ang mga ito upang siyasatin ang tatlong palapag na kulungan na kinabibilangan ng mga miyembro ng iba’t ibang gang tulad ng Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail, Bahala Na Gang at Commando.

Ayon kay Pasay City Jail warden Supt. Bernie Ruiz, sa kanilang isinagawang inspeksiyon ay wala silang nakuhang droga mula sa mga bilanggo at ang kanila lamang nakumpiska sa mga ito ay mga kontrabando tulad ng pako, tubo, kahoy, matutulis na gamit kagaya ng ballpen, lapis, nail cutter, ligther, pang-ahit, blade at mga toothbrush na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng selda.

Dagdag pa ni Ruiz, nakakuha rin sila ng mga tali na ginagamit ng mga preso na pamingwit  sa pagkuha ng mga kontrabando na galing sa ibaba ng naturang gusali na dala ng kanilang mga dalaw.

Napag-alaman na ang kapasidad lamang ng naturang piitan ay hanggang 350 na bilanggo ngunit, sa kasaluku­yan ay umakyat na ang bilang nito sa 1,300 kung saan nagsisiksikan ang mga bilanggo sa loob ng nasabing piitan. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.