VALENZUELA CITY – TATLONG warehouse sa lungsod na ito ang ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ikinasang “Oplan Kandado” dahil na rin sa hindi pagsunod ng mga ito sa umiiral na Tax Code.
Ayon sa mga awtoridad, ang non-registration at tax deficiencies ng tatlong pabrika na kinabibilangan ng hardware, plastic at sugar ay natukoy ng BIR matapos ang kanilang isinagawang tax mapping noong Oktubre 15, 2019.
Bukod sa pagpapasara sa pabrika ay naabutan din ng mga tauhan ng BIR at Department of Finance (DOF) ang isang truck na naglalamang ng 500 sako ng asukal na nakatakdang ipuslit ng may-ari nang makatunog ito na may magaganap na raid ang mga awtoridad.
Hinihinala rin ng awtoridad na may nakapagbigay ng “tip” sa may ari ng pabrika ng asukal dahil halos wala nang laman ang loob ng warehouse bukod pa sa naabutang 500 sako ng asukal na nakatakdang ipuslit.
Sinabi pa ng mga awtoridad na hindi na umano maaaring makabalik sa operasyon ang warehouse hanggang hindi nito nababayaran ang tax deficiency sa gobyerno habang ang truck na naglalaman ng 500 sako ng asukal ay inilagay rin sa loob ng bodega bago ito tuluyang ipasara.
Ipinasara rin ng raiding team ang katabi nitong hardware dahil hindi ito nakarehistro habang ang may-ari naman ng plastic warehouse ay umaapela sa pagbibigay sa kanilang ng closure order dahil nagbabayad naman umano sila ng tax sa city government.
Ayon naman kay BIR-Valenzuela Revenue District Officer (RDO) Rufo Renario, ang main office ng naturang plastic company ay matatagpuan sa Antipolo City ngunit ang operasyon nito sa Valenzuela City ay inilihim sa bureau.
Katwiran pa ng namamahala ng warehouse na nagbabayad sila ng buwis sa Valenzuela City Hall ngunit ayon naman sa BIR dapat ay rehistrado at nagbabayad din umano ang mga ito sa kawanihan (bureau).
Ang pagpapasara sa tatlong warehouse sa Valenzuela City ay base na rin sa nakasaad sa Section 115 ng 1997 National Internal Revenue Code of the Philippines na nagbibigay ng karapatan sa BIR na mag-suspinde o magpasara ng isang business operation kapag hindi ito nakarehistro at hindi nagbabayad ng tamang buwis. EVE GARCIA/V. TANES
Comments are closed.