“OPLAN LIBRENG SAKAY” IKINASA NG NCRPO SA METRO

SA kabila ng mga konsesyon ng gobyerno na palawigin ang deadline ng transport modernization sa katapusan ng taon, itutuloy pa rin isang linggong transport strike na sisimulan bukas.

Dahil dito, inilunsad ng National Capital Regional police Office [NCRPO] ang “Libreng Sakay” na magsisimula ng ala-1 ng madaling araw ng Lunes sa pamumuno ni Regional Director MGen. Edgar Alan O. Okubo kung saan pinakilos nito ang limang police districts at Regional Mobile Force Battalion (RMFB).

Inatasan na rin ni Okubo ang mga District Director (NEMSQ) at ang Force Commander (RMFB) na i-account ang kanilang mga tauhan na ipapakalat para sa mga layuning pangkaligtasan at seguridad at gumawa ng imbentaryo ng kanilang madaliang mapakilos at logistical asset bilang pag-asa para sa isasagawang isang linggong welga.

May kabuuang 10 sasakyan kabilang ang 5 Hino shuttle bus, isang JAC mini bus, dalawang Isuzu truck, at 2 Hino trucks ang ipapakilos sa panahon ng transport strike para isakay ang mga apektadong commuter sa buong Kamaynilaan.

Ang hakbangin na ito ay naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng publiko na lubhang maaapektuhan ng nasabing transport strike. Kung kinakailangan, lahat ng sasakyan para sa patrol operations ay gamitin para sa “Libreng Sakay”.

Ang limang District Director ay inatasan pa ni Okubo na makipag-ugnayan sa mga LGU sa kani-kanilang nasasakupan upang matukoy ang eksaktong mga lokasyon kung saan ipapakalat ang mga augmentation truck, bus at patrol vehicles.

Dagdag pa ni Okubo, may kabuuang 4,356 na tauhan ng NCRPO ang ipapakalat din sa iba’t ibang lugar lalo na sa mga pick up at drop off point ng mga pasahero upang tumugon sa anumang masamang sitwasyon na maaaring mangyari bunga ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga grupo ng mga tsuper na sasama sa welga at yung hindi.

Kasama sa deployment ang 700 Civil Disturbance Management (CDM) contingents, 1,019 sa mga major thoroughfares, 569 sa transport hubs/terminal, 582 sa commercial areas, 611 sa iba pang lugar ng convergence, at 875 Reactionary Standby Support Force (RSSF) personnel ang ilalagay sa stand-by na handang i-deploy anumang oras.

Binigyang-diin din ni Okubo na mananatili ang deployment hanggang sa pagwawakas ng transport strike at bumalik sa normal ang sitwasyon.

Sa isang mensahe, sinabi ni MGen Okubo, “Nais naming matiyak ang kahandaan na tugunan ang lahat ng nakikinitaang mga pangyayari at agad na tumugon kung kinakailangan ang aming presensya at tulong sa panahon ng transport strike. Ang patuloy na koordinasyon sa mga LGU at iba pang ahensya ng gobyerno ay gagawin upang makilala ang iba mga alalahanin na kailangang matugunan.”

“Naiintindihan ng inyong mga pulis sa NCRPO ang hirap na pinagdadaanan ng ating mga commuters dito sa Metro Manila. Lalo pa ngayon na may isasagawang transport strike, kung kaya’t ang buong pwersa ng pulisya ng NCRPO ay handang magpaabot ng tulong sa paraang. aming makakayanan upang mabawasan ang hirap ng ating mga kababayang maaapektuhan ng nasabing transport strike sa susunod na linggo,” dagdag pa nito.
EVELYN GARCIA