OPLAN PAG-ABOT NG DSWD

SA PAGLIPAS ng mga taon, nakalulungkot isipin na patuloy pa ring dumarami ang mga taong walang bahay o homeless sa ating bansa.

Ang mga taong grasa na nakatambay sa kalsada na nasisilayan ng karamihan sa atin araw-araw ay hindi lamang mga larawan sa ating mga lansangan kundi mga indibidwal na may mga pangangailangan at pangarap.

Ang pagdami ng mga taong grasa ay isang pangmatagalang isyu na hindi dapat lamang ituring na bahagi ng karaniwang tanawin. Ito’y isang hamon sa ating lipunan na dapat nating harapin at hanapan ng mga solusyon upang maibsan, kung hindi man mabura, ang kawalan ng tahanan at seguridad sa buhay ng ating mga kababayan.

Maraming dahilan kung bakit lumalala ang problemang ito. Una, ang kakulangan sa trabaho at oportunidad, na nagdudulot ng kawalan ng kita at tahanan. Pangalawa, ang kakulangan sa suporta mula sa pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan para sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga rason kung bakit marami sa ating mga kababayan ang napipilitang mabuhay sa kalsada.

Bilang isang lipunan, kinakailangan nating buksan ang ating mga mata at puso sa mga taong ito.

Hindi natin sila dapat ituring na mga inaagaw na lamang ng kalsada kundi mga kapwa natin na nangangailangan ng tulong at pag-intindi. Ang kanilang mga kuwento, pangarap, at pag-asa ay nararapat ding bigyang halaga.

Kaliwa’t kanan naman ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nakatira sa lansangan tulad na lamang ng “Oplan Pag-Abot” na ipinatutupad simula pa noong Hunyo ngayong taon.

Pumalo na raw sa 973 na mga walang tahanan, na naninirahan o nagtatambay sa kalsada, ang nakikinabang sa programang ito hanggang nitong Disyembre 7.

Ang DSWD, sa pamamagitan ng kanilang Pag-Abot Team, ay patuloy na nagsasagawa ng mga outreach operation upang hikayatin ang mga pamilya at indibidwal na nasa kalsada na sumama sa kanila para matulungan ng pamahalaan. Layunin nitong mapanatili sila sa ligtas na kalagayan at mabigyan ng tulong at serbisyong galing sa gobyerno.

Dapat daw pala magbigay ng tulong sa mga pamilya at indibidwal sa kalsada sa tamang plataporma at lugar tulad ng mga processing center ng Oplan Pag-Abot.

Ang operasyon ng DSWD sa Metro Manila ay isinasagawa sa pakikipagtulungan sa Commission on Human Rights (CHR), Philippine Statistics Authority (PSA), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga lokal na pamahalaan.

Ang “Oplan Pag-Abot” ay hindi lamang nagbibigay ng tulong kundi nagdudulot din ng pag-asa sa mga taong nangangailangan, na nagpapakita na sa pagtutulungan, ay maaari nating baguhin ang kapalaran ng mga taong ito.

Sa totoo lang, ang pagtugon sa isyu ng pagdami ng mga taong grasa ay isang kolektibong gawain.

Kinakailangan natin ng mas malalim na ugnayan sa pagitan ng gobyerno, pribadong sektor, at mga organisasyon na may layuning tumulong sa mga taong walang bahay.

Dapat din tayong maging bukas sa mga makabagong solusyon, tulad ng pagsuporta sa housing programs, vocational training, at mental health services para sa kanila.

Hinahamon natin ang mga lokal na pamahalaan na maglaan ng mas maraming espasyo at serbisyo para sa mga taong walang bahay. Ang pagkakaroon ng mga shelter home, feeding programs, at iba pang suportang serbisyong panlipunan ay maglalagay ng pundasyon para sa mas makatao at mas makatarungang lipunan.

Sa pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa, maaari nating baguhin ang naratibong ito.

Hindi lang natin ito moral na obligasyon, kundi isang hakbang tungo sa mas makatarungang lipunan kung saan ang bawat isa, anuman ang kanilang estado sa buhay, ay may pagkakataong mabuhay ng marangal at may dignidad.

Sabi nga, ang laban sa kahirapan ay hindi isang bagay na dapat solong gawain ng iilang tao lamang o ng pamahalaan. Ito ay isang hamon na kailangang harapin ng buong bayan.

At sa pagtutulungan, pagtitiyaga, at pagkakaroon ng malasakit sa isa’t isa, masisilayan natin ang pag-usbong ng isang lipunan na puno ng pag-asa, katarungan, at kasaganaan.