SA kulungan ang bagsak ng tatlo katao matapos makumpiskahan ng mahigit P1.5 milyon halaga ng shabu makaraang takbuhan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita habang sakay ng dalawang motorsiklo sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong mga suspek na sina Jeffrey Filiciano, 43-anyos; Regie Rivera, 35-anyos, messenger, kapwa ng Sampaloc, Manila, at Jeric Sy, 52-anyos ng 5th Avenue Brgy. 53 ng lungsod.
Base sa report ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director Brig Gen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-12:05 ng hating gabi nang nagsasagawa ng Oplan Sita sa kahabaan ng Taksay St., Brgy. 28 ang mga tauhan ng Tuna Police Sub-Station (SS1) sa pangunguna ni Maj. Jerry Garces nang parahin nila ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo dahil walang suot na mga helmet.
Gayunpaman, hindi pinansin ng mga suspek ang mga pulis at tinangkang tumakas ng mga ito na naging dahilan upang habulin hanggang sa bumangga sa nakaparadang truck si Sy habang naaresto naman ang dalawa niyang kasama.
Nang kapkapan, nakuha ni Cpl Joeph Young kay Sy ang isang knot tied plastic sachet na naglalaman ng nasa 100 gramo ng shabu na may standard drug price P680,000 habang narekober naman ni Cpl Christian Malinao kay Rivera ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng nasa 25 gramo ng shabu na may standard drug price P170,000 samantalang nasamsam ni SSg Ernesto Camacho kay Filiciano ang isang knot tied plastic sachet na naglalaman ng nasa 100 gramo ng shabu na may standard drug price P680,000 at isang weighing scale.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC, RA 10054 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002. EVELYN GARCIA