OPLAN TOKHANG POSIBLENG IBALIK

POSIBLENG ibalik umano ng pamunuan ng Philippine National Police ang Oplan Tokhang na ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, masusing pag-aaralan ng PNP ang mungkahing muling pagbabalik ng Oplan Tokhang sa bansa.

Kasunod ito ng mga suhestiyon ng ilang mambabatas sa layuning mas paigtingin pa ang kampanya ng pulisya kontra ilegal na droga matapos ang umano’y muling paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.

Sinasabing pag-aaralan pa ng mga kinauukulan ang mga magaganda at best practices ng campaign against illegal drugs ng nakalipas na administrasyon at saka nila titignan kung makabubuti pa ang muling pagbabalik dito.

Sa naturang pahayag ay inamin din ni Fajardo na ‘generally effective’ ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang sa nakalipas na mga taon.

Ang tiyak umano ay magkakaroon na ng safety measures sakaling muling ipatupad ito ng pulisya upang maiwasan na magkaroon ito ng lapses at pag-aabuso ng ilang police personnel. VERLIN RUIZ