OPLAN WANG-WANG SINIMULAN NA NG HPG

UMARANGKADA na ng pagkilos ang mga operatiba ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) para ipatupad ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa paggamit ng wang wang, blinkers at iba pang flashing devices ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Ayon kay Col. Joel Casupanan, hepe ng Special Operations Division ng PNP-HPG, sinimulan ang operasyon sa kahabaan ng EDSA kahapon kung saan nakumpiska mula sa mga pribadong motorista ang mga blinker subalit wala sa mga taga gobyerno.

Binigyang diin ni Casupanan na delikado ang mga blinker at sirena dahil nagdudulot ito ng malakas at kakaibang tunog na nakakaabala at nakaka-distract sa mga motorista.

Kapag muling nahuli, kakasuhan ang motorista ng paglabag sa Presidential Decree 96 na may parusang anim na buwan pagkakakulong at multa na P600 bukod pa ang posibilidad na makansela ang rehistro ng sasakyan.

Sa datos ng PNP-HPG, sinabi ni Casupanan na 7,000 sirens, blinkers at iba pang signaling o flashing devices ang nakumpiska sa buong bansa.
EUNICE CELARIO