ITINURING ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang kasalukuyang tinatamasang Kalayan ay mukha ng Bagong Pilipinas at hinimok ang publiko na gamitin ang oportunidad, dunong at sipag para manatiling malaya ang bansa.
“Mga kababayan, tayo ang mukha ng Bagong Pilipinas. Sa sarili nating pamamaraan, maaari tayong maging bayani ng ating makabagonng panahon. Gamitin natin ang ating dunong at sipag sa bawat gawain at ang pinakamahalaga, maging mapagkumbaba, mapagmahal sa bayan at marangal tayo sa lahat ng oras,” bahagi ng mensahe ng Punong Ehekutibo para sa pagdiriwang ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Binati rin ng Pangulo ang lahat ng Pilipino sa loob at sa labas ng bansa sa nasabing pagdiriwang.
Aniya, isang karangalan ang mapabilang sa lahing Pilipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa ating bansa.
“At bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa natin ngayon, tungkulin ng bawat isa sa atin na pangalagaan ito at tiyakin na hindi na tayo kailan man magpapatinag sa banta ng pananakot, pananakop at pang-aapi,” dagdag pa ng
Pangulo.
Hinimok din ng Pangulo ang lahat ng Pilipino na harapin ang mga hamon ng modernong panahon, at pagtibayin, hindi lamang ang katapangan, kundi pati pagkakaisa at pagtutulungan.
EVELYN QUIROZ