LUNGSOD NG MALOLOS – “Patuloy nating buksan ang oportunidad at paganahin ang mga estruktura upang umunlad ang buhay ng ating mga kapwa Filipino”.
Ito ang mensahe ni Commission on Audit chairman Michael Aguinaldo, sa ginanap na paggunita sa ika-92 Taong Kaarawan ni Gat Blas F. Ople sa harap ng Livelihood Training Center sa lungsod na ito kahapon.
Bilang panauhing tagapagsalita, binalikan ni Aguinaldo ang mga ‘di matatawarang kontribusyon ni Ka Blas sa bansa lalong higit sa larangan ng paggawa at empleyo at ibinahagi sa harap ng libo-libong Bulakenyo ang tinuran ng “Ama ng Labor Code ng Pilipi-nas” na nagbigay sa kanya ng inspirasyon.
“Sinabi noon ni Ka Blas na tayong mga Filipino ay nabubuhay sa isang bukas na lipunan kung saan ang bawat karera ay bukas sa mga talento; na ang oportunidad para umunlad ay naroon para sa mga handa sa mga ito; at nasa ating pagkukusa nakasalalay kung hanggang saan natin mababago ang ating mga buhay,” ani Aguinaldo.
Ayon pa sa panauhing tagapagsalita, kung saan ang kanyang tanggapan ang sumisigurong nagagamit ng maayos ang pondo ng gobyerno, ilan sa mga ginagawa ng Department of Labor and Employment sa kasalukuyan ng dahil na rin kay Ka Blas tulad Eight-Point Labor and Employment Agenda kabilang ang pagpapalakas ng proteksiyon at seguridad ng mga OFW, paggalang sa paman-tayan at karapatan sa paggawa at pagsisigurong makararating sa mga manggagawa ang mga programang para sa kanila.
Para sa kanyang bahagi, sinabi ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado na upang maipagpatuloy ang legasiya ni Ople, kinakailangan sumumpa ang pamahalaan na pangangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa.
Samantala, nagbigay naman ng tugon at pasasalamat ang anak ni Ka Blas na isa ring Kagawad ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan na si Bokal Felix Ople sa patuloy na paniniwala sa adbokasiya ng kanyang ama bagaman sumakabilang buhay na ito.
Dumalo din sa pagdiriwang sina Cong. Jonathan Sy-Alvarado, Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz, Jr., mga Bokal Alex Castro at Therese Cheryll Ople, at mga kapamilya ni Ka Blas kabilang ang kanyang asawa na si Susana, mga anak na sina Jhong, Susan, at Atty.Dalisay at pamangkin na si Kris Blas.
Bago ito, nagkaroon ng pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Ople na nakatayo sa harap ng lumang gusaling Gat Blas F. Ople na sinundan ng paghahawi ng tabing ng panandang pang-alaala na nagsasaad na kikilalanin na ang nasabing gusali bilang Gusaling Gat Blas F. Ople Sentro ng Kabataan, Kaalaman at Hanapbuhay bilang pagbibigay pugay sa kanya. A. BORLONGAN
Comments are closed.