BILANG pangkalahatang tagapangasiwa ng Public Employment Service Offices (PESOs), ang Department of Labor and Employment (DOLE) simula Hulyo 22, 2022 ay nagsagawa ng 1,190 job fairs sa buong bansa, kung saan may 325,418 naghahanap ng trabaho ang nag-rehistro at 50,849 ang hired-on-the spot.
Pinalakas pa ito ng paglalagda ng joint operational guidelines para sa RA 11261 o ang First Time Jobseekers Assistance Act kung saan mas lalong napalawak ang naibibigay na serbisyo ng pamahalaan.
Sa pagpapatupad nito para sa 2022, 343,089 first-time jobseekers ang tinulungan ng DOLE na makakuha ng mga dokumentong kinakailangan sa paghahanap ng trabaho tulad ng Barangay Clearance, NBI Clearance, Birth Certificate, at Certificate of Proficiency mula sa mga kinauukulang ahensiya.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang pagtiyak sa pagbibigay ng epektibong serbisyo sa pagtatrabaho ay isa sa mga pangunahing mandato ng DOLE na nakasaad sa Philippine Development Plan 2023-2028 na inaprubahan kamakailan lamang.
“Mahalaga ang mga serbisyong pang-empleyo upang mabilis ang transisyon mula sa paaralan tungo sa trabaho, at pag-bawas ng mga gastusin sa paghahanap ng trabaho,” wika ng kalihim.
Ang mga positibong resulta ng mga pamamaraan upang mapabilis ang paghahanap ng trabaho ay makikita sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan nabanggit na ang sitwasyon sa pagtatrabaho sa bansa ay patuloy na umuunlad kasabay ng pag-angat mula sa pandemya.
Sa May 2023 Labor Force Survey, tinatayang nasa 95.7 porsiyento ang employment rate, mas mataas kaysa sa naiulat na 94.0 porsiyentong employment rate sa parehong panahon noong nakaraang taon at noong Abril 2023 na nasa 95.5 porsiyento.
Nangangahulugan din ito ng makabuluhang pagbuti sa sitwasyon ng labor market ng bansa, na iniuugnay sa pagpapatupad ng 8-point socio-economic agenda at inisyatibo ng pamahalaan tungo sa digital na tumutulong sa mga manggagawa upang makamit ang mga oportunidad sa trabaho at pagtataas ng kanilang kasanayan at kompetensya.
Sinusuportahan din ng kagawaran ang mga panukalang pambatas na naglalayong isulong ang paglago ng ekonomiya sa pangunguna ng trabaho tulad ng Senate Bill No. 2035 o ang “Trabaho Para sa Bayan Act.” Kapag naisabatas, ito ang mag-aatas sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na pahusayin ang pagtutulungan ng mga industriya para sa sama-samang pagbubuo ng mga solusyon sa mga isyu na may kaugnayan sa paggawa at trabaho.
Bukod dito, para mapahusay ang kasanayan at kompetensiya ng mga nagsipagtapos at gawing propesyonal ang mga manggagawa, ang DOLE, sa pamamagitan ng Professional Regulations Commission (PRC), ay nagsagawa ng licensure examinations sa 46 regulated profession. Mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2023, 78 licensure pen at paper examinations ang isinagawa, kung saan 644,911 ang rehistradong examinees at 314,623 ang pumasa para sa iba’t ibang propesyon.
Para sa 2023, ipinagpapatuloy ng PRC at ng Professional Regulatory Boards (PRBs) ang kanilang aktibong pakikilahok sa mga negosasyon at pagrepaso sa mga bilateral/multilateral arrangement sa pagsusulong ng mga propesyon.
Gayundin, ang PRC at PRBs ay patuloy na lalahok sa 103 ASEAN Coordinating Committee on Services kaugnay ng pagsasagawa ng International Commitment Fund (ICF) upang bumuo ng mga ugnayan at ituloy ang collaborative partnership sa mga member-state ng ASEAN.
Patuloy ding ipatutupad ng PRC ang programang Continuing Professional Development (CPD) nito sa bawat regulated profession upang itaas at iayon sa kasalukuyang pangangailangan ang mga kakayahan at kwalipikasyon ng mga propesyonal.
Patuloy ding itinataas ng DOLE ang kasanayan ng mga manggagawa at maayos na pangangasiwa ng mga oportunidad sa disenteng trabaho, kabilang ang green jobs sa pamamagitan ng mga pagbabago sa Technical and Vocational Education and Training (TVET).
Itinatag ang Innovation Center para maiangat ang TVET gamit ang pananaliksik sa teknolohiya at pag-unlad ng entrepreneurship tungo sa paghahanda ng 4.0 ready graduates at matugunan ang retooling at upskilling ng mga manggagawang apektado ng teknolohiya at inobasyon. Ang mga Innovation Center ay magsisilbing teknolohiya at innovation hub na nag-uugnay sa mga industriya, lokal at internasyonal na ahensya ng pamahalaan, kompanya, techvoc, higher educational, at research institutions.
Upang maipantay ang kasanayan, kakayahan at sertipikasyon ng mga Pilipinong marino sa rehiyonal at pandaigdigang pamantayan, ipinatupad ng DOLE, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at National Maritime Polytechnic (NMP) ang Training Skills Competency Program na naglalayong pahusayin ang kakayahang magtrabaho at palakasin ang pagiging mapagkumpitensya ng ating mga marino.
Mula Hulyo hanggang Disyembre 2022, 7,529 seafarer ang sumailalim sa pagsasanay para itaas ang kanilang kasanayan at kakayahan batay sa mga pamantayan ng Standard of Training, Certification, and Watchkeeping for Seafarers (STCW) Convention of 1978.
Malaki ang naitulong ng maagang pagsasabatas ng RA 11936 o ang 2023 General Appropriations Act (GAA) sa pagsusulong at pagpapalakas ng mga programa at proyekto sa pangangasiwa ng DOLE sa empleo tulad ng Special Program for the Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP), at JobStart. Mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2023, 141,031 kabataan ang natulungan sa ilalim ng tatlong programang ito.
Ipinahayag ni Laguesma ang kanyang pasasalamat sa mga katuwang ng DOLE sa pribadong sektor, at sinabi na dahil sa patuloy na pakikipagtulungan ng pribadong sektor sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, nakamit ng kagawaran ang mga layunin nito na nakabalangkas sa Rules Implementing Articles 106 to 109 ng Labor Code.