INAASAHANG sa Marso o Abril pa magsisimula ang pormal na operasyon ng Mislatel consortium, ang napiling third telco sa bansa.
Ayon kay National Telecommunications Commission (NTC) Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, marami pang dapat na isumite ang Mislatel sa susunod na 90 araw.
Kabilang dito ang katibayan na mayroon itong P10 bilyong paid equity, certification mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) na 40 percent lamang ang maximum na hawak ng dayuhang kompanya sa consortium, business plan at detalyadong roll out plan o kung paano ipatutupad ang mga ipinangako nilang serbisyo.
“Ang detailed roll out plan makikita kung paano nila isasagawa ‘yung kanilang sinabi na iko-cover nila 1st year, 2nd year hanggang 5th year at paano nila maibibigay ‘yung internet speed, kapag na-confirm na okay ‘yan may 15 days para mai-post ang kanilang performance security, tapos bibigyan na sila ng certificate of public convenience and necessity at makapag-uumpisa na po sila,” pahayag ni Cabarios.
Aminado si Cabarios na puwede pang maghabol sa Supreme Court at humingi ng temporary restraining order (TRO) ang mga natalo sa bidding.
Gayunman, habang wala aniyang inilalabas na TRO ang SC ay tuloy ang proseso upang mapadali ang pagbubukas ng third tel-co at mabigyan ng mas maganda at mabilis na internet connection ang taumbayan.
“Inaasahan po natin na ‘yung dalawang major players ay susunod ‘yan, kundi man ay mag-o-offer ‘yan ng mas mabilis pa, ‘yung kanilang 3mbps maximum ay 1,299 so ine-expect natin na kung mag-o-offer ng 27mbps ini-expect natin na hindi ‘yan tataas pa sa 1,300 kasi ‘yan ang lowest price for unlimited internet access,” dagdag pa niya. DWIZ 882
Comments are closed.