NIREREPASO na ng Philippine National Police (PNP) ang naging operasyon ng mga ahente ng 1st Samar Provincial Mobile Force Company (SPMFC) at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) na nagsilbi ng warrant of arrest sa lider ng isang Private Armed Group (PAG) sa liblib na lugar ng Barangay Mahayag sa Sta. Margarita, Samar.
Target ng operasyon, na isilbi ang warrant of arrest kina Edito Ampoan Jr., lider ng Ampoan Gang at miyembro nito na sina Jojo Altarejos at Rogelio Macorol ay nagresulta ng pagkamatay ng tatlong pulis at pagkasugat ng apat na iba pa na kagawad ng nasabing PNP operatives.
Sa nasabing operasyon, mayroong apat na naaresto na hindi muna tinukoy.
Nitong Biyernes, Pebrero 2 ay dinalaw ni PNP Chief, Benjamin Acorda Jr. ang labi ng mga nasawi na sina Staff Sgt. Christian Tallo at Corporal Eliazar Estrelles, Jr. ng SPMFC; at M/Sgt. Paul Terence Paclibar; gayundin ang mga nasugatan na sina Cpls. Rannel Pedamato, at Mark Jason Sixta, at Pat Ham Kritnere Capalis at Mark Redoblado.
Sinabi ni Acorda na kanyang pinasalamatan at kinikilala ang pagsisikap at sakripisyo ng mga ito para lamang maipatupad ang batas.
“I am appreciating their effort and sacrifices, proud ako, they are willing magsakripisyo,” ayon kay Acorda.
Diin pa ni Acorda na notoryoso ang Ampoan Gang subalit hindi aniya ito dahilan para hindi gawin ang tungkulin habang tiniyak na tutugisin nila ang grupo ng gun-for-hire at iba pang PAGs.
Samantala, inamin din ng PNP chief na kanilang rerepasuhin ang naging operasyon na nagbunsod ng kamatayan ng kanyang tauhan.
“Dapat matingnan kung may mali at ma-check upang maiwasan na,” dagdag pa ni Acorda. EUNICE CELARIO