HANDANG buhayin at isabatas ng TODA Partylist ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) sa oras na maluklok sa Kongreso sa darating na May election.
Ito ang ipinarating ni TODA Partylist first nominee Rovin Andrew Feliciano sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City.
Kumbinsido si Feliciano na ang pagbuhay sa OPSF at pagsasabatas dito ang isa sa mga solusyon para maibsan ang epekto ng pagsirit ng presyo ng krudo sa world market sa presyo ng mga lokal na produktong petrolyo.
Aniya, ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ang sanhi ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo sa merkado. Sa ngayon, mula sa $110 per barrel ay bumaba ito ng bahagya sa $108.
“Isa sa mga solusyon sa mataas na presyo ng langis sa world market ang pagbuhay sa OPSF.
Mapapagaan nito ang epekto ng oil price hike sa sektor ng transportasyon at ekonomiya ng ating bansa, kaya ipaprayoridad natin ito kapag pinalad na manalo ang ating TODA Partylist sa Mayo,” saad ni Feliciano.
Magugunitang itinatag ang OPSF noong 1984 sa bisa ng Presidential Decree 1956 na nagsisilbing ‘buffer fund’ para maprotektahan ang lokal na presyo ng mga produktong petrolyo sa pagbago-bagong presyuhan ng krudo sa world market dahil sa mga di inaasagang krisis tulad ng tensyon sa Ukraine at Russia.
Kasunod nito, nanawagan si Feliciano kay Pangulo Duterte na magpatawag ng special session sa Kongreso upang magawan ng paraan ang problema sa tumataas na presyo ng gasolina gayundin ang pagpapadali ng pagbigay ng fuel subsidy sa TODA at tanggalin agad ang excise tax sa langis. BENEDICT ABAYGAR, JR.