OR COMPLEX NG OSPITAL IPINANGALAN SA DOKTOR NA PUMANAW SA COVID-19

patay

BILANG pagkilala sa itinuturing na nagawang kabayanihan sa umiiral na Covid-19 pandemic, ipapangalan sa nasawing 47-year na medical frontliner ang operating room complex ng Pagamutan ng Dasmariñas kung saan ang biktima ay kabilang sa pioneer doctors ng institusyon.

Kasabay nito, ipinaabot ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., sa ngalan na ring ng mga lokal na opisyal at mamamayan ng lungsod ang kanilang taus-pusong pakikiramay sa naiwang pamilya ni Dr. Ronaldo Mateo, na isang surgeon at nakapagtapos UST College of Medicine.

“The province has lost a son to this pandemic…ipinahahatid ng Pamahalaang Lungsod ang taimtim na pakikiramay sa kanyang mga kapamilya at kaibigan. Ang kanyang katapangan sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang medical frontliner sa gitna ng kinakaharap na krisis ay hindi malilimutan kailanman,” ang pahayag pa ng mambabatas, na siyang chairman ng House Committee on Natural Resources.

Sinabi ni Barzaga na para na manatiling buhay ang alaala at maging matibay ang pagkilala sa kagitingan ng naging surgery department head ng nabanggit na ospital, ang operating room complex ng huli ay tatawagin na bilang “Dr. Ronaldo Mateo Operating Room Complex.”

Si Dr. Mateo ay napahanay sa mga doktor na naunang pumanaw matapos na matamaan din ng coronavirus disease, dala ng exposure sa mga pasyenteng positibo sa nasabing deadly virus habang naka-duty. Sa ulat ng Philippine Medical Association (PMA), umakyat na sa 17 doctors ang namamatay bunsod ng COVID-19.

Kaya naman bukod sa pamilya ng naturang Cavite-son doctor, nakikiisa rin si Barzaga, pangulo ng political bigwig National Unity Party (NUP), sa buong sambayanang Filipino sa pagbibigay-pugay at pasasalamat sa dedikasyon at kabayanihan ng lahat ng health workers at iba pang frontliners. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.