PINAPAYAGAN na ng Land Transportation Office (LTO) na magamit bilang katibayan ng transaksyon sa ahensiya ang mga Official Receipt (OR) na naka-imprenta sa ordinaryong bond paper.
Kaugnay ito ng pagpapalakas ng paperless transactions at digitalization sa lahat ng tanggapan ng LTO sa bansa.
Sa pamamagitan ng Memorandum na nilagdaan ni LTO Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, hindi na magbibigay ng Official Receipt (OR) na nakaimprenta sa espesyal na paper o security paper ang para sa mga transaksyon na idinaan sa Land Transportation Management System (LTMS), online man o over-the-counter.
“In view of LTO Memorandum Circular No. 2021-2295 dated 15 September 2021 which provides that the system shall generate electronic Official Receipt (eOR) for transactions processed using LTMS whether over-the-counter or online, this office has ceased issuing Official Receipts (ORs) printed on security paper for said LTMS transactions,” ayon sa Memorandum.
Inaatasan din ang lahat ng law enforcement officers (LEOs) na kilalanin o tanggapin ang Official Receipts na nakaimprenta sa ordinaryong bond paper.
Batay pa sa hiwalay na Memorandum ni Assistant Secretary Tugade, inaabisuhan ang mga law enforcer na huwag nang obligahing magprisinta ng Official Receipt (OR) ang mga mahuhuling motorista kung nakapagpakita na ng driver’s license nito.
“We are using technology to avoid any more inconvenience to the motoring public but without sacrificing the efficient enforcement of traffic laws and regulations. We will still look at more effective ways on how our enforcers can do their jobs at protecting our motorists and at the same time maintain road safety,” pahayag ni LTO Chief Tugade.
Bagamat nakaimprenta sa bond paper ang mga Official Receipt (OR), nabatid naman mula kay Danilo Encela, hepe ng Operations Division ng LTO, na gumagamit pa rin sa ngayon ng security paper para sa pag-imprenta ng Certificate of Registration (CR) ng mga sasakyan. BENEDICT ABAYGAR, JR.