ORAL ARGUMENTS SA ANTI-TERROR LAW MAWAWALANG SAYSAY-JUSTICE TIJAM

MAWAWALANG-SAYSAY lamang umano ang nakatakdang oral arguments sa Anti-Terror Law sa Korte Suprema ngayong buwang ito kung magmimistula itong ‘rehash’ ng mga impormasyon na dati nang inilagay ng mga partido sa kani-kanilang pleadings.

Kasunod nang inaasahang pagdaraos ng oral arguments hinggil sa kinukuwestiyong batas, sinabi ni retired Supreme Court Associate Justice Noel Tijam na marunong na magbasa ang Korte Suprema at hindi na kailangan pang aksayahin ang kanilang mahalagang oras upang mapaghiwalay at magtalo-talo lamang hinggil sa ‘nuances’ at lengguwahe ng batas.

“The Supreme Court is not a proofreader of unacceptable laws in the absence of an actual case or controversy. Aided by skilled lawyers and researchers, these SC magistrates are familiar with all the arguments of all 28 petitioners as well as the counter-arguments proferred by the Solicitor General and lawyers for the respondent,” ayon kay Tijam.

Binigyang-diin ni Tijam na upang maging kapaki-pakinabang ang oral arguments, dapat na magprisinta ang mga petitioner ng matibay na ebidensiya at datos hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga hinihinalang terorista na ginawa sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, sa pagpapatupad at implementasyon ng kahalintulad na anti-terrorism laws, o patunay na ang pagpapalawig ng kapangyarihan ng pamahalaan ay ginamit upang targetin ang partikular na mga anti-government, religious, ethnic, at iba pang social groups.

Sa kabilang dako, ang mga respondent naman aniya ay dapat na magprisinta ng historical data ng mga aksiyon ng terorismo na nagawa sa ating bansa, at maging sa buong mundo, na nagdulot ng matinding pinsala sa pangkalahatang populasyon, sanhi upang kailanganin ang pagsasabatas at pagpapatupad ng isang ‘draconian’ at matigas na batas laban sa terorismo na naaayon sa kanilang tungkulin na protektahan ang mga tao mula sa mga naturang pag-atake.

Dapat din  magprisinta ang mga respondent ng matibay na datos na ang karapatang pantao ng mga terorista ay pinangangalagaan at iginagalang sa buong mundo sa pagsasagawa ng giyera laban sa terorismo.

“This is the only way the crucial issues submitted to the High Court will be rationally evaluated and judiciously resolved taking into account that International terrorism can destroy our own country,” aniya pa.

Ipinaliwanag ni Tijam na ang mga mahistrado ng mataas na hukuman ay nanumpa na ipagtatanggol at pagtitibayin ang Konstitusyon, ngunit higit sa lahat, obligado silang tiyakin na ang pamahalaan, mga mamamayan, at ang ating demokratikong institusyon ay nakahiwalay at protektado mula sa terorismo, na naglalayong wasakin ito.

Ang mga talakayan aniya ay hindi lamang dapat na nakatuon sa mga semantiko ng batas kundi maging sa primordial issue, at tukuyin kung ang pangangalaga ng katatagan ng mga institusyon ng gobyerno ay protektado; kung ang batas ay nagbibigay ng sapat na proteksyon upang mapahusay ang pangkalahatang kapakanan ng mga tao; at kung ang pagpapalakas ba ng batas, sa halip na palabnawin ito, ay makatutulong upang ilayo ang buhay at mga ari-arian mula sa panganib at pinsala.

Giit pa ni Tijam, ang Konstitusyon ay hindi idinisenyo upang pahinain ang pamahalaan o ilagay sa panganib ang mga mamamayan o ‘di kaya’y protektahan ang karapatan ng iilan.

Aniya, dapat na tingnan ng mga partido ang mas malawak na larawan ng isyu, at ito aniya ay ang pagtiyak na ang ating bansa at ang mga mamamayan ay ligtas at protektado. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.