INIURONG ng Korte Suprema ang petsa ng ikatlong araw ng oral arguments sa kaso kaugnay ng pagkalas ng Filipinas sa International Criminal Court o ICC mula Setyembre 18 sa Oktubre 9, 2018.
Gayunman, ang oral arguments ay hindi na pangungunahan ni Chief Justice Teresita De Castro dahil siya ay magreretiro na sa Oktubre 8.
Nauna nang idinaos ang oral arguments sa nasabing kaso noong Agosto 28 at Setyembre 4.
Nag-ugat ang kaso sa mga petisyong inihain ng anim na opposition senator, ng Philippine Coalition for the International Criminal Court (PCICC) na pinangunahan ni dating Commission on Human Rights Chairperson Loretta Ann Rosales.
Sa oral arguments noong nakalipas na linggo, iginiit ng abugado ng mga petitioner na si Atty. Barry Gutierrez na ang pagkalas sa Tratado ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng Senado, hindi sapat ang Executive Agreement para amyendahan ang Tratado at ang pagkalas ng Filipinas sa Rome Statute of the ICC ay nangangahulugan ng paglabag ng bansa sa obligasyon nito sa ilalim ng international law.
Sa susunod na oral arguments, maglalahad ng argumento ang panig ng Office of the Solicitor General para ipagtanggol ang naging hakbang ni Pangulong Duterte na pagkalas sa ICC. TERESA CARLOS
Comments are closed.