(Ni CT SARIGUMBA)
USO NA naman ang sakit sa panahon ngayon gaya na lang ng lagnat, ubo at sipon. Mag-ingat man tayo ng todo, hindi pa rin maiiwasang dapuan tayo ng iba’t ibang klase ng sakit.
Bigla-bigla rin kasi kung sumalakay ang sakit. Napakarami ring sakit ang nagkalat sa paligid. At kung mahina ang resistensiya natin, tatamaan kaagad tayo.
May mga pagkaing nakapagpapalakas ng katawan at nakapagpapaganda ng balat. At isa sa prutas o pagkaing matatawag na sweetest medicines at pinaka-healthy na pagkain ay ang orange.
Narito ang ilan sa benepisyo ng orange:
NAKAPAGPAPALAKAS NG IMMUNE SYSTEM
Isa sa benepisyo ng orange ay nakapagpapalakas ito ng immune system. Kaya’t sa mga panahong mahina ang resistensiya, isa sa kainin o kahiligan ang orange. Puwede rin itong gawing juice.
Mataas ang taglay na vitamin C ng orange na nakatutulong upang mapalakas ang ating immune system. Ang vitamin C ang nag-poprotekta sa cells upang hindi ito ma-damage ng free radicals.
Ang free radicals ang sanhi sa ilang chronic disease gaya ng cancer at heart disease. Pinalalakas din ng orange ang katawan upang malabanan ang everyday viruses at infections gaya ng sipon.
NAKAPAGPAPAGANDA AT NAKAPAGPAPABATA NG BALAT
Mainam din sa balat ang orange dahil nilalabanan nito ang pagkasira laban sa araw, gayundin sa polusyon. Natutulungan din nito ang katawan upang maiwasan o mabawasan ang wrinkles. Kaya naman, an orange a day can help you look young!
Mainam ding gamot sa dark spots at blemishes ang balat ng orange dahil sa mataas ang taglay nitong vitamin C.
Maaaring gamitin ang balat ng orange sa mukha. Ang gawin lang ay patuyuin ang balat ng orange at i-grind ito upang makaga-wa ng orange peel powder. Puwede rin itong gawing body scrub.
Swak ding samahan ng milk ang ginawang orange peel powder upang magamit na cream sa mukha.
Mataas din ang taglay na citric acid ng orange kaya’t epektibo ito upang mag-dry ang acne o pimples.
NAKAPAGPAPABABA NG CHOLESTEROL
Nakapagpapababa rin ng level ng cholesterol ang orange.
Ayon sa study na ginawa ng US ang Canadian researchers, ang klase ng compounds na taglay ng citrus fruits peels na tina-tawag na Polymethoxylated Flavones (PMFs) ay malaki ang kakayahang magpababa ng cholesterol. Wala rin itong side effects.
NAKATUTULONG SA DIGESTION
Habang tumatanda o nagkakaroon ng edad ang isang tao ay bumabagal ang panunaw nito. At sa mga mayroong ganitong prob-lema, isa sa nakatutulong sa digestion ay ang orange.
Dahil acidic ang nasabing prutas nagtataglay ito ng maraming alkaline minerals na nakatutulong upang mabilis na ma-digest ang pagkaing ating kinakain.
MAINAM SA KALUSUGAN NG MATA
Nagtataglay ng vitamin A ang orange na may malaking role sa pagpapanatili ng malusog na mata.
Naiiwasan din ng vitamin A ang ilang mga age-related mascular degeneration na kapag extreme cases na ay nagiging dahilan ng pagkabulag.
HAIR BENEFITS
Bukod sa mainam ito sa kalusugan at balat, swak din itong gamitin sa buhok dahil sa taglay nitong benepisyo.
Puwede itong gawing conditioner. Pagsamahin lang ang orange juice, water at kaunting honey.
Kapag nahalo mo na ang lahat ng sangkap ay maaari na itong i-apply sa buhok. Hayaan ang mixure sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Ang procedure na ito ay nakatutulong o upang maging healthy, shiny at maganda ang buhok.
Maaari ring gamiting gamot sa dandruff ang orange juice.
Ang balat naman ng orange ay maaaring pakuluan at gamitin sa buhok upang matanggal ang dandruff at maging shiny ang hair.
Sa pagpili ng oranges, kailangang hawakan ito at alamin kong mabigat. Ang mas mabigat na orange ay mas masarap at mas ma-katas. Amoyin din ito para malaman kung matamis o hindi.
Iwasan ang pagbili ng mga orange na may sira ang balat at masyadong malambot.
Ang mga nakalista sa itaas ay ilan lamang sa naidudulot sa kalusugan at kabuuan ng orange. Kaya naman, wala ka nang dahilan pa upang ayawan ang nasabing prutas.
Isa rin ang orange sa napakadaling bilhin at kaya rin naman sa bulsa. Masarap din ang orange kaya na-man, marami ang nahihilig dito.
Comments are closed.