ORAS NA PARA MAGDESISYON ANG PAMBANSANG KAMAO

pick n roll

KUNG kaungasan ang pag-uusapan, hindi matatapos ang maghapon para sa balitaktakan na wala rin namang napupuntahan. Pagalingan ng kuwento. Bolahan. Tsismisan. Bulungan at para sa mga millennial…. sharing and comments sa lahat ng social media platform na walang bayad ang paglahok mula sa apps sa Play Store ng android mobile phone.

Ngunit nitong nakalipas na Linggo, sentro ng usapan mula sa kabukiran, malawak na karagatan hanggang sa liblib na kabundukan saan mang panig at sulok ng mundo ang isang Ugas (hindi Ungas ha!). Yordenis ang pangalan ng Cuban Olympic bronze medalist sa 2008 Beijing Games. Sa kabila ng malawak na karanasan at karangalan ni Ugas, higit ang pagiging WBA Super Welterweight champion, mistula itong estranghero sa mata ng publiko, higit sa kaisipan ng boxing fans, partikular sa Bayan ni Juan.

Sa isang iglap, may angas na ngayon ang dating ni Ugas. Talunin mo ba naman ang premyadong fighter at 12-time champion sa walong magkakaibang division na si Manny Pacquiao. Sino ang hindi mapapakamot ang ulo at bibigkasin ang pangalan ni Ugas? Ang tinaguriang Pacman at future Hall of Famer, sa edad na 42-anyos ay nabigo sa mas matangkad at mas batang si Ugas na 35-anyos lamang.

Marami ang tumaya, malamang kay Pacquiao. Ngunit, ‘yung mga sumugal at pumusta kay Ugas, hanggang ngayon ay napapahalakhak pa habang naglalaro ng Poker. Maling akala. Sampal sa mukha. Hindi natantiya ng kampo ni Pacman.

Nananatili ang aura ng pagiging kampeon ni Pacman at klaro ang rehistro ng kanyang mukha sa kahandaan na dominahin ang laban. Mismatch? Higit at mas malalaman ng ‘di hamak ang kredensyal ni Errol Spence na orihinal na makakaharap sana ng Pambansang Kamao.

Isang ‘replacement fighter’ si Ugas matapos umatras ang kampo ni Spence bunsod umano ng pinsala sa mata.  Hayahay! Halos dalawang linggo lamang ang adjustment ng paghahanda ni Pacman laban sa bagong karibal. Walang problema para kay Pacman, walang pinipili at walang inaatrasang laban ang People’s Champion.

Subalit ibang Pacman na ang napanood ng mundo laban kay Ugas. May lakas sa bigwas, ngunit wala na ang bilis ng mga kamay at paa. Mahina na ang ‘instict’, ika nga. Dalawang taong nabakante sa laban at hati ang kaisipan para sa boxing, politika at ambisyon na maupuan ang espesyal na silya sa Malacanang.

Dumating na ang punto para pag-isipan ang pagreretiro. May asim pa kumbaga, ngunit kung magpapatuloy pa si Pacman, baka matikman din niya ang mapait na kapalaran ng dati ring kampeon na si Lehlo Ledwaba.

Nasa tugatog ng tagumpay sa kanyang professional career ang South African champion nang sa isang iglap ay maalisan ng korona matapos ma-TKO ng isa ring ‘replacement fighter’ at noo’y pipitsugin pang si Manny Pacquiao.

Sa kabila ng pagiging flyweight champion na kalauna’y nabitiwan din ni Pacman, walang nakakakila sa Amerika kay Pacquiao, hanggang mapabagsak niya ang kampeon na si Ledwaba sa pay-per-view fight ng HBO. And the rest is history ika nga. Mula sa napagwagihang $40,000, noong 2001, isa na sa pinakamayanang atleta sa buong mundo si Pacquiao.

Hindi na nakabawi si Ledwaba mula nang matalo kay Pacman. Sa katayuan ni Pacman sa kasalukuyan, mainam nang tapusin ang career, kaysa makatikim ng kabiguan mula sa pipitsuging fighter na hangad lamang na gamitin ang kanyang pangalan para kumita ng milyones.

Gabi na Senator. Oras na para magmuni at magdesisyon.



(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa zea19ker@yahoo.com)

2 thoughts on “ORAS NA PARA MAGDESISYON ANG PAMBANSANG KAMAO”

  1. 772042 611221Oh my goodness! a fantastic post dude. Thanks Even so My business is experiencing concern with ur rss . Do not know why Struggling to join it. Is there anybody finding identical rss concern? Anyone who knows kindly respond. Thnkx 923417

Leave a Reply

Your email address will not be published.