MAAARING hindi pupuwede sa ibang mga bansa na pinagdarausan ngayon ng overseas absentee voting kaugnay ng May 9 national at local elections, na mapalawig ang oras ng pagboto ng mga Pilipino sa abroad.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, kailangan din kasing balansehin kung pahihintulutan ng host country o ang bansa na pumayag na magsilbing election post ng overseas Filipinos, para palawigin ang voting hours.
Kung hindi aniya papayagan ng host country, walang magagawa ang Comelec kundi ang sumunod.
Gayunman, sinabi ni Casquejo na nagbaba na ng direktiba ang Comelec sa mga embahada na sakaling matapos ang oras ng pagboto ngunit may mga Pilipino pang nasa loob ng tatlumpung metro mula sa election post ay papayagan pa rin silang makaboto.
Samantala, inihayag din ni Casquejo na posibleng ngayong linggo ay mailalabas na ang online precinct finder upang mahanap na rin ng mga botante, lokal man o nasa abroad, ang kanilang mga pangalan at kung saang polling precinct sila nakatalaga na bumoto sa Mayo 9. JEFF GALLOS