ORCOLLO, BIADO SA US OPEN POOL SEMIS

NAKAAMBA ang isang All-Filipino title showdown sa 2021 US Open Pool Championship makaraang umusad ang dalawang Pinoy cue artists sa  semifinal round noong Sabado ng umaga.

Nadominahan nina Dennis Orcollo at Carlo Biado ang kani-kanilang katunggali sa quarterfinal kung saan naitarak ni Orcollo ang 11-7 panalo kontra Max Lechner ng Austria, habang naungusan ni Biado si fellow Filipino Johann Gonzales Chua, 11-10.

Nakatakda ang semifinal showdown ngayong Linggo, alas-10 ng umaga, sa  Harrah’s Resort sa Atlantic City kung saan naghi-hintay ang $50,000 (tinatayang P2.5 million) sa kampeon.

Makakasagupa ni Orcollo, isang two-time SEA Games gold medalist, si Aloysius Yapp ng Singapore habang makakalaban ni Biado si Naoyuki Oi ng Japan sa semifinals.

Nakatakda rin ang finals ngayong alas-3 ng hapon.

May pagkakataon ang Pilipinas na putulin ang 27-year title drought sa torneo kung saan ang huling Pinoy na nag-uwi ng titulo ay si Efren “Bata” Reyes.

Nakopo ni Reyes ang titulo noong 1994 nang talunin niya si home bet Nick Varner ng United States. Naging runner-up din siya sa sumunod na tatlong taon matapos ang makasaysayang tagumpay.

5 thoughts on “ORCOLLO, BIADO SA US OPEN POOL SEMIS”

Comments are closed.